2 Hari 10:7-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Pagdating ng sulat ni Jehu, pinatay nila ang 70 anak ng hari. Inilagay nila ang mga ulo nito sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel.

8. Nang dumating ang mensahero, sinabi niya kay Jehu, “Ipinadala nila ang ulo ng mga anak ng hari.” Pagkatapos, sinabi ni Jehu, “Itumpok ninyo sa dalawa ang mga ulo sa pintuan ng lungsod at iwanan doon hanggang umaga.”

9. Kinaumagahan, lumabas si Jehu, tumayo sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala kayong kasalanan. Ako ang nagplano laban sa aking amo at pumatay sa kanya. Pero sino ang pumatay sa kanilang lahat?

10. Gusto kong malaman ninyo na matutupad ang lahat ng sinabi ng Panginoon laban sa pamilya ni Ahab. Tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias.”

11. Pagkatapos, pinatay ni Jehu ang lahat ng kamag-anak ni Ahab sa Jezreel, pati ang mga opisyal, kaibigan at mga pari nito. Wala talagang natirang buhay sa kanila.

12. Lumakad si Jehu papunta sa Samaria. Habang nasa daan siya, sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa,

13. nakita niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazia ng Juda. Tinanong niya ang mga ito, “Sino kayo?” Sumagot sila, “Mga kamag-anak po kami ni Ahazia at nagpunta kami rito para dumalaw sa pamilya ni Haring Ahab at Reyna Jezebel.”

14. Inutusan ni Jehu ang mga tauhan niya, “Hulihin ninyo sila nang buhay!” Kaya hinuli sila nang buhay. Dinala sila at pinatay doon sa balon sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa – 42 silang lahat. Walang iniwang buhay si Jehu.

2 Hari 10