9. Pagkatapos, pinapunta ng hari ang isang opisyal, kasama ang 50 tauhan, para hulihin si Elias. Umakyat ang opisyal sa ibabaw ng burol kung saan nakaupo si Elias, at sinabi niya, “Lingkod ng Dios, sinabi ng hari na pumunta ka sa kanya.”
10. Sumagot si Elias sa opisyal, “Kung lingkod nga ako ng Dios, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang 50 tauhan mo!” Dumating nga ang apoy at nasunog ang opisyal at ang 50 tauhan niya.
11. Muling nagpadala ang hari ng isang opisyal kasama ang 50 tauhan para hulihin si Elias. Sinabi ng opisyal kay Elias, “Lingkod ng Dios, sinabi ng hari na pumunta ka agad sa kanya!”
12. Sumagot si Elias, “Kung lingkod nga ako ng Dios, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang 50 tauhan mo!” Dumating nga ang apoy ng Dios mula sa langit at nasunog ang opisyal at ang 50 tauhan niya.
13. Nagpadala ang hari ng ikatlong opisyal kasama ang 50 tauhan. Pagdating ng opisyal kay Elias, lumuhod siya bilang paggalang, at nagmakaawa, “Lingkod ng Dios, mahabag ka sa akin at sa mga tauhan ko. Huwag mo kaming patayin na iyong mga lingkod.
14. Nalaman ko na sinunog mo ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal at ang mga tauhan nila. Pero mahabag kayo sa amin.”
15. Sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, “Sumama ka sa kanya, huwag kang matakot.” Kaya sumama si Elias sa opisyal papunta sa hari.
16. Pagdating ni Elias sa hari, sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Bakit nagsugo ka ng mga mensahero para magtanong kay Baal Zebub, ang dios ng Ekron? Wala na bang Dios sa Israel na mapagtatanungan mo? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!”
17. Namatay nga ang hari ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias. Dahil walang anak na lalaki si Ahazia, si Joram na kapatid niya ang pumalit sa kanya bilang hari. Naghari si Joram noong ikalawang taon ng paghahari ni Jehoram na anak ni Haring Jehoshafat ng Juda.
18. Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahazia ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.