21. May mga barko rin si Solomon na pang-negosyo, na ang tripulante ay ang mga tauhan ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa bawat tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante, at malalakiʼt maliliit na uri ng mga unggoy at pabo real.
22. Walang sinumang hari sa mundo na makakapantay sa karunungan at kayamanan ni Haring Solomon.
23. Ang lahat ng hari sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon para makapakinig ng karunungan na ibinigay ng Dios sa kanya.
24. Taun-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.
25. May 4,000 kwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayo at mga karwahe. Siyaʼy may 12,000 kabayo na inilagay niya sa lungsod na lagayan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem.
26. Sinakop niya ang lahat ng hari mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Egipto.
27. Noong panahon na siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay gaya lang ng ordinaryong mga bato, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng mga ordinaryong kahoy na sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.
28. Ang mga kabayo ni Solomon ay nagmula sa Egipto at sa iba pang mga bansa.
29. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Solomon, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Natan, sa Mga Mensahe ni Ahia na Taga-Shilo, at sa mga Pangitain ni Iddo na Propeta, na nagsasabi rin tungkol sa paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat.