15. Papansinin ko sila at pakikinggan ang kanilang mga panalangin sa lugar na ito,
16. dahil ang templong ito ay pinili kong isang lugar kung saan pararangalan ako magpakailanman. Iingatan ko ito at laging aalagaan.
17. “At ikaw, kung mamumuhay ka sa aking harapan gaya ng iyong amang si David, at kung gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin ang aking mga tuntunin at mga utos,
18. paghahariin ko ang iyong mga angkan magpakailanman. Ipinangako ko ito sa iyong amang si David nang sabihin ko sa kanya, ‘Hindi ka mawawalan ng angkan na maghahari sa Israel.’
19. Pero kung tatalikod kayo at hindi tutuparin ang aking mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at kung maglilingkod at sasamba kayo sa ibang mga dios,
20. palalayasin ko kayo sa lupain na ibinigay ko sa inyo, at itatakwil ko ang templong ito na pinili kong lugar para sa karangalan ng aking pangalan. At itoʼy kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao.
21. At kahit maganda at tanyag ang templong ito, gigibain ko ito. Magugulat at magtataka ang lahat ng daraan dito at magsasabi, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at sa templong ito?’
22. Sasagot ang iba, ‘Dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto, at naglingkod sila at sumamba sa ibang mga dios. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kasamaang ito.’ ”