5. ‘Mula nang araw na inilabas ko ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto, hindi ako pumili ng lungsod sa kahit anong lahi ng Israel para pagtayuan ng templo sa pagpaparangal sa akin, at hindi rin ako pumili ng haring mamamahala sa mga mamamayan kong Israelita.
6. Ngunit ngayon, pinili ko ang Jerusalem para doon pararangalan ang aking pangalan, at pinili ko si David para mamahala sa mga mamamayan kong Israelita.’
7. “Nasa puso ng aking amang si David na magtayo ng templo sa pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel.
8. Pero sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Mabuti na naghahangad kang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.
9. Ngunit hindi ikaw ang magtatayo nito kundi ang sarili mong anak. Siya ang magtatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’
10. “Tinupad ng Panginoon ang kanyang pangako. Ako ang pumalit sa aking amang si David bilang hari ng Israel, ayon sa pangako ng Panginoon. At ipinatayo ko ang templo para parangalan ang Panginoon, ang Dios ng Israel.
11. Nagpagawa ako ng lugar doon sa templo para sa Kahon kung saan nakalagay ang Kasunduan ng Panginoon na kanyang ginawa sa mamamayan ng Israel.”
12. Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng Panginoon at itinaas niya ang kanyang mga kamay.
13. Pagkatapos, tumayo siya sa tansong entablado na kanyang ipinagawa. Itoʼy may haba at luwang na pitoʼt kalahating talampakan, at may taas na apat at kalahating talampakan. At lumuhod si Solomon sa harap ng mga mamamayan ng Israel na nakataas ang kanyang mga kamay.
14. Nanalangin siya,“O Panginoon, Dios ng Israel, wala pong Dios na katulad nʼyo sa langit o sa lupa. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan, at ipinapakita ang inyong pag-ibig sa inyong mga lingkod na sumusunod sa inyo ng buong puso.
15. Tinupad nʼyo ang inyong ipinangako sa aking amang si David na inyong lingkod. Kayo po ang nangako at kayo rin ang tumupad sa araw na ito.
16. At ngayon, Panginoon, Dios ng Israel, tuparin nʼyo po ang inyong ipinangako sa inyong lingkod na si David na aking ama nang sinabi nʼyo po sa kanya, ‘Laging sa angkan mo magmumula ang maghahari sa Israel kung matapat na susunod sa akin ang mga angkan mo, tulad ng iyong ginawa.’
17. Kaya ngayon, O Dios ng Israel, tuparin nʼyo po ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama.
18. “Ngunit makakatira nga po ba kayo, O Dios, sa mundo kasama ng mga tao? Hindi nga kayo magkakasya kahit sa pinakamataas na langit, ano pa kaya kung sa templo na ipinatayo ko?
19. Ngunit pakinggan ninyo ako na inyong lingkod sa aking pananalangin at pagsusumamo, O Panginoon na aking Dios. Pakinggan nʼyo ang panawagan at pananalangin ko sa inyong presensya.
20. Ingatan nʼyo po sana ang templong ito araw at gabi, ang lugar na sinabi nʼyong kayoʼy pararangalan. Pakinggan nʼyo po sana ako na inyong lingkod sa aking pananalangin sa harap ng altar na ito.
21. Pakinggan nʼyo po ang mga kahilingan ko at ng mga mamamayan nʼyo kapag silaʼy nanalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan nʼyo kami riyan sa inyong luklukan sa langit. At kung marinig nʼyo kami, patawarin nʼyo po kami.
22. “Kung ang isang tao ay pinagbintangang nagkasala sa kanyang kapwa, at pinapunta siya sa inyong altar sa templo na ito para sumumpa na inosente siya,