2 Cronica 6:32-42 Ang Salita ng Dios (ASND)

32. “Kung ang mga dayuhan na nakatira sa malayong lugar ay makarinig ng inyong kadakilaan at kapangyarihan, at pumunta sila rito para sumamba sa inyo at manalangin na nakaharap sa templong ito,

33. dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. At gawin ang kahit anong hinihiling nila, para ang lahat po ng tao sa mundo ay makakilala sa inyo at gumalang po sa inyo gaya ng inyong mga mamamayang Israelita. At para malaman po nilang pinaparangalan kayo sa templo na aking ipinatayo.

34. “Kung ang inyo pong mamamayan ay makikipaglaban ayon sa inyong utos, at kung mananalangin po sila sa inyo na nakaharap sa lungsod na ito na pinili nʼyo at sa templo na aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan,

35. dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay.

36. “Kung magkasala sila sa inyo – dahil wala kahit isa man na hindi nagkakasala – at sa inyong galit ay ipinatalo nʼyo sila sa kanilang mga kalaban at binihag at dinala sila sa malayo o sa malapit na lugar,

37. at kung sa huliʼy magbago ang kanilang mga puso roon, at magsisi at magmakaawa po sa inyo na nagsasabi, ‘Nagkasala kami, at napakasama ng aming mga ginawa,’

38. dinggin nʼyo po ang kanilang dalangin. Kung babalik po sila sa inyo ng buong pusoʼt isipan, doon sa lugar na pinagbihagan sa kanila, at manalangin po sila na nakaharap sa lupaing ito na ibinigay nʼyo sa kanilang mga ninuno, sa lungsod na ito na pinili po ninyo, at sa templong aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan,

39. dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa inyong luklukan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay. Patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan laban sa inyo.

40. “O aking Dios, sagutin nʼyo po sana ang mga dalangin na ginawa sa lugar na ito.

41. “Ngayon, Panginoong Dios, pumunta na po kayo sa templo nʼyo kasama ng Kahon ng Kasunduan na simbolo ng inyong kapangyarihan. Sanaʼy lagi pong magtagumpay ang inyong mga pari at magsaya ang mga mamamayan ninyo sa inyong kabutihan.

42. O Panginoong Dios, huwag nʼyo pong itakwil ang pinili nʼyong hari. Alalahanin nʼyo po ang inyong ipinangako kay David na inyong lingkod na iibigin siyang lubos.”

2 Cronica 6