2 Cronica 36:1-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Ang anak ni Josia na si Jehoahaz ang ipinalit ng mga tao na hari sa Jerusalem.

2. Si Jehoahaz ay 23 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan.

3. Tinanggal siya sa kanyang trono ni Haring Neco ng Egipto, at pinagbayad ni Neco ang mga taga-Juda ng buwis na 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto.

4. Dinalang bihag ni Neco si Jehoahaz sa Egipto, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem si Eliakim na kapatid ni Jehoahaz. Pinalitan niya ang pangalan ni Eliakim na Jehoyakim.

5. Si Jehoyakim ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios.

6. Nilusob siya ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at kinadenahan, at dinala sa Babilonia.

7. Dinala rin ni Nebucadnezar sa Babilonia ang ibang mga kagamitan ng templo ng Panginoon at inilagay sa kanyang palasyo.

8. Ang ibang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoyakim at ang mga kasuklam-suklam at masasamang bagay na ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. At ang anak niyang si Jehoyakin ang pumalit sa kanya bilang hari.

9. Si Jehoyakin ay 18 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan at sampung araw. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon.

10. Sa pagsisimula ng taon, binihag ni Haring Nebucadnezar si Jehoyakin sa Babilonia. Pinagkukuha niya ang mga mamahaling ari-arian sa templo ng Panginoon, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem ang tiyuhin ni Jehoyakin na si Zedekia.

11. Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon.

12. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios at hindi siya nagpakumbaba kay Jeremias na propeta ng Panginoon.

13. Nagrebelde rin siya kay Haring Nebucadnezar, kahit pinanumpa siya nito sa pangalan ng Dios na hindi siya maghihimagsik sa kanya. Naging matigas ang puso ni Zedekia, at ayaw niyang manumbalik sa Panginoon, ang Dios ng Israel.

14. Gayon din ang lahat ng punong pari at ang mga mamamayan ay hindi naging tapat sa Dios. Sinunod nila ang kasuklam-suklam na mga ginagawa ng ibang mga bansa at dinungisan ang templo ng Panginoon, na itinalagang banal sa Jerusalem.

15. Laging nakikipag-usap sa kanila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, dahil naawa siya sa kanila at sa kanyang templo.

16. Pero hinamak nila ang mga propeta ng Dios, pinagtawanan, at binalewala ang kanilang mga mensahe. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanila, at wala nang makakapigil sa kanya.

2 Cronica 36