2 Cronica 35:1-9 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nagdiwang si Haring Josia ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa Jerusalem bilang pagpaparangal sa Panginoon. Nagkatay sila ng tupa para sa pistang ito.

2. Binigyan ni Josia ang mga pari ng kanilang tungkulin sa templo ng Panginoon, at pinatatag niya sila sa kanilang paglilingkod.

3. Binigyan din niya ng mga tungkulin ang mga Levita na tagapagturo sa Israel, na itinalaga sa paglilingkod sa Panginoon. Sinabi niya sa kanila, “Nailagay na ang banal na kahon sa templo na ipinatayo ni Solomon na anak ni David, at hindi nʼyo na kailangang dalhin ito palagi. Kaya gamitin nʼyo ang inyong panahon sa paglilingkod sa Panginoon na inyong Dios at sa mga mamamayan niyang Israelita.

4. Gawin nʼyo ang mga tungkulin ninyo sa templo ayon sa grupo ng inyong mga pamilya. Sundin nʼyo ang nakasulat na mga tuntunin ni Haring David ng Israel, at ng anak niyang si Solomon.

5. Pumwesto kayo sa templo ayon sa inyong grupo, at tumulong sa mga pamilya na naghahandog, na ipinagkatiwala sa inyo.

6. Maglinis kayo at maghanda ng inyong sarili sa paglilingkod sa inyong mga kababayan. Pagkatapos, katayin nʼyo ang mga tupa para sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Sundin nʼyo ang mga utos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”

7. Personal na nagbigay si Josia ng 30,000 tupa at kambing, at 3,000 baka, para sa handog ng mga tao sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel.

8. Kusa ding nagbigay ang mga opisyal ni Josia sa mga tao, mga pari, at mga Levita. Ang mga tagapamahala ng templo na sina Hilkia, Zacarias, at Jehiel ay nagbigay sa kapwa nila pari ng 2,600 tupa at kambing, at 300 baka bilang handog sa pista.

9. Ang mga pinuno ng mga Levita na si Conania, ang kanyang mga kapatid na sina Shemaya at Netanel, si Hashabia, Jeyel, at Jozabad ay nagbigay sa kapwa nila Levita ng 5,000 tupa at kambing, at 500 baka bilang handog sa pista.

26-27. Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Josia, mula sa simula hanggang sa wakas ay nakasulat sa kasulatan ng kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. Nakasulat din dito ang tungkol sa pagmamahal ni Josia sa Panginoon na ipinakita niya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ng Panginoon.

2 Cronica 35