3. Nang ikawalong taon ng paghahari niya, habang bata pa siya, nagsimula siyang dumulog sa Dios ng kanyang ninunong si David. At noong 12 taon ng paghahari niya, nilinis niya ang Juda at Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapagiba ng mga sambahan sa matataas na lugar, ng mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera, ng mga dios-diosan at mga imahen.
4. Ipinagiba rin niya ang mga altar para kay Baal at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso sa tabi nito. Ipinadurog niya ang mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera, ang mga dios-diosan at ang mga larawan, at isinabog sa libingan ng mga taong naghandog sa mga ito.
5. Ipinasunog din niya ang mga buto ng mga pari na dayuhan sa mga altar na pinaghahandugan ng mga ito. Sa ganitong paraan, nilinis niya ang Juda at Jerusalem.
6. Ganito rin ang ginawa niya sa mga bayan ng Manase, Efraim, Simeon, at hanggang sa Naftali, pati sa gibang mga bayan sa paligid nito.
7. Ipinagiba niya ang mga altar at ang mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera, at ipinadurog ang mga dios-diosan at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Pagkatapos niyang gawin ito sa buong Israel, umuwi siya sa Jerusalem.
8. Sa ika-18 taon ng paghahari ni Josia, matapos niyang ipalinis ang lupain at ang templo, nagpasya siyang ipaayos ang templo ng Panginoon na kanyang Dios. Ipinagkatiwala niyang ipagawa ito sa kanyang kalihim na si Shafan, na anak ni Azalia, sa gobernador ng Juda na si Maaseya, at sa tagapamahala ng mga kasulatan ng kaharian na si Joa, na anak ni Joahaz.