2 Cronica 34:23-24-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

3. Nang ikawalong taon ng paghahari niya, habang bata pa siya, nagsimula siyang dumulog sa Dios ng kanyang ninunong si David. At noong 12 taon ng paghahari niya, nilinis niya ang Juda at Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapagiba ng mga sambahan sa matataas na lugar, ng mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera, ng mga dios-diosan at mga imahen.

4. Ipinagiba rin niya ang mga altar para kay Baal at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso sa tabi nito. Ipinadurog niya ang mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera, ang mga dios-diosan at ang mga larawan, at isinabog sa libingan ng mga taong naghandog sa mga ito.

5. Ipinasunog din niya ang mga buto ng mga pari na dayuhan sa mga altar na pinaghahandugan ng mga ito. Sa ganitong paraan, nilinis niya ang Juda at Jerusalem.

6. Ganito rin ang ginawa niya sa mga bayan ng Manase, Efraim, Simeon, at hanggang sa Naftali, pati sa gibang mga bayan sa paligid nito.

7. Ipinagiba niya ang mga altar at ang mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera, at ipinadurog ang mga dios-diosan at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Pagkatapos niyang gawin ito sa buong Israel, umuwi siya sa Jerusalem.

8. Sa ika-18 taon ng paghahari ni Josia, matapos niyang ipalinis ang lupain at ang templo, nagpasya siyang ipaayos ang templo ng Panginoon na kanyang Dios. Ipinagkatiwala niyang ipagawa ito sa kanyang kalihim na si Shafan, na anak ni Azalia, sa gobernador ng Juda na si Maaseya, at sa tagapamahala ng mga kasulatan ng kaharian na si Joa, na anak ni Joahaz.

9. Silaʼy pumunta kay Hilkia na punong pari para ibigay ang pera na dinala ng mga tao sa templo ng Dios. Ang pera ay kinolekta ng mga Levita na nagbabantay sa pintuan ng templo mula sa mga mamamayan ng Manase, Efraim, at sa natitirang mga mamamayan ng Israel, at sa mga mamamayan ng Juda at Benjamin, pati na sa Jerusalem.

23-24. Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin nʼyo sa mga tao na nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga mamamayan nito, ayon sa nakasulat sa aklat na binasa sa inyong harapan.

25. Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinaboy ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa kanilang mga ginawa.’

26. “Pero sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel:

27. Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing

28. habang buhay ka pa, hindi darating ang paglipol na ipapadala ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Mamamatay ka nang mapayapa.” At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.

2 Cronica 34