2 Cronica 34:11-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Ang ibang pera ay ibinigay nila sa mga manggagawa para ibili ng mga batong tabas na at ng mga kahoy para sa biga ng templo na pinabayaang magiba ng mga hari ng Juda.

12-13. Naging matapat ang mga manggagawa sa kanilang trabaho. Pinamahalaan sila ng apat na Levita na sina Jahat at Obadias, na mula sa angkan ni Merari, at Zacarias at Meshulam, na mula sa angkan ni Kohat. Nasa ilalim ng kanilang pamamahala ang mga manggagawa na may ibaʼt ibang trabaho. Mahuhusay magsitugtog ng mga instrumento ang mga Levita, at ang iba sa kanilaʼy mga kalihim, mga dalubhasa sa pagsulat ng mga dokumento, at mga tagapagbantay ng mga pintuan ng templo.

14. Habang kinukuha ang pera na kinolekta sa templo ng Panginoon, nakita ni Hilkia na pari ang Aklat ng Kautusan ng Panginoon na ibinigay sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises.

15. Ibinalita niya kay Shafan, na kalihim ng hari, na nakita niya ang Aklat ng Kautusan sa templo ng Panginoon. Pagkatapos, ibinigay niya ito kay Shafan,

16. at dinala ito ni Shafan sa hari. Sinabi niya agad sa hari, “Kaming mga opisyal ay ginawa ang lahat ng ipinagawa nʼyo sa amin.

17. Kinuha namin ang pera sa templo ng Panginoon at ibinigay sa mga pinagkatiwalaan sa pag-aayos ng templo.”

18. Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay sa aking aklat si Hilkia na pari.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.

19. Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit sa hinagpis.

20. Nag-utos agad siya kina Hilkia, Ahikam na anak ni Shafan, Abdon na anak ni Micas, Shafan na kalihim, at Asaya na kanyang personal na lingkod. Sinabi niya,

21. “Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga naiwang mamamayan ng Israel at Juda tungkol sa nakasulat sa natagpuang aklat. Matindi ang galit ng Panginoon sa atin dahil hindi natupad ang mga nakasulat sa aklat.”

22. Kaya pumunta si Hilkia at ang mga kasama niya sa isang propetang babae na si Hulda, na nakatira sa bagong bahagi ng Jerusalem. Si Hulda ay asawa ni Shalum na anak ni Tokat at apo ni Hasra. Si Shalum ang nagbabantay ng mga damit sa templo.

23-24. Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin nʼyo sa mga tao na nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga mamamayan nito, ayon sa nakasulat sa aklat na binasa sa inyong harapan.

25. Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinaboy ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa kanilang mga ginawa.’

2 Cronica 34