10. Kahit binalaan ng Panginoon si Manase at ang kanyang mga mamamayan, hindi pa rin sila nakinig sa kanya.
11. Kaya ipinalusob sila ng Panginoon sa mga sundalo ng Asiria. Binihag nila si Manase, nilagyan ng kawit ang kanyang ilong, kinadenahan, at dinala sa Babilonia.
12. Sa kanyang paghihirap, nagpakumbaba siya at nagmakaawa sa Panginoon na kanyang Dios, na Dios din ng kanyang mga ninuno.
13. At nang nanalangin siya, pinakinggan siya ng Panginoon. Naawa ang Panginoon sa kanyang mga pagmamakaawa. Kaya pinabalik siya ng Panginoon sa Jerusalem at sa kaharian niya. At napagtanto ni Manase na ang Panginoon ang Dios.
14. Simula noon, ipinaayos ni Manase ang panlabas na pader ng Lungsod ni David mula sa kanluran ng Gihon, sa may lambak hanggang sa pintuan na tinatawag na Isda, paliko sa bulubundukin ng Ofel. Pinataasan din niya ito. Pagkatapos, naglagay siya ng mga pinuno sa lahat ng napapaderang lungsod ng Juda.
15. Ipinaalis niya ang mga dios-diosan ng taga-ibang bansa at ang imahen sa templo ng Panginoon. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinatayo niya sa burol na kinatatayuan ng templo at ang mga altar sa ibang bahagi ng Jerusalem, at ipinatapon niya ito sa labas ng lungsod.
16. Pagkatapos, ipinaayos niya ang altar ng Panginoon, at pinag-alayan ng mga handog para sa mabuting relasyon at mga handog ng pasasalamat. Sinabihan niya ang mga mamamayan ng Juda na maglingkod sa Panginoon, ang Dios ng Israel.
17. Ganoon pa man, naghahandog pa rin ang mga tao sa mga sambahan sa matataas na lugar, pero ang Panginoon lang na kanilang Dios ang hinahandugan nila.
18. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Manase, pati ang pananalangin niya sa Dios at ang mga sinabi ng mga propeta sa kanya sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
19. Ang panalangin niya at ang sagot ng Panginoon sa kanya, pati ang lahat niyang kasalanan at pagsuway sa Panginoon ay nakasulat sa aklat ng mga Propeta. Nakatala rin dito ang mga lugar na pinatayuan niya ng mga sambahan, mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera at ng iba pang mga dios-diosan, bago pa siya nagpakumbaba sa Dios.
20. Nang mamatay si Manase, inilibing siya sa palasyo niya. At ang anak niyang si Ammon ang pumalit sa kanya bilang hari.
21. Si Ammon ay 22 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon.