11. Sinabi ni Hezekia sa inyo na ililigtas kayo ng Panginoon na inyong Dios sa kamay ng hari ng Asiria, pero inililigaw lang niya kayo para mamatay kayo sa gutom at uhaw.
12. Hindi baʼt si Hezekia mismo ang nagpagiba ng mga sambahan ng Panginoon sa matataas na lugar, pati ng mga altar nito? Nag-utos pa siya sa inyong mga taga-Juda at Jerusalem na sa isang altar lang kayo sumamba at magsunog ng mga handog.
13. “ ‘Nalalaman nʼyo kung anong ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang mga bansa. Nailigtas ba sila ng kanilang mga dios mula sa aking mga kamay?
14. Wala ni isa man sa mga dios ng mga bansa na nilipol ko nang lubusan o ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay. Makakapagligtas ba sa inyo ang inyong dios mula sa aking mga kamay?
15. Huwag kayong magpaloko kay Hezekia. Huwag kayong makinig sa kanya, dahil walang dios sa kahit saan mang bansa o kaharian ang nakapagligtas sa kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay o sa kamay ng aking mga ninuno. At lalung-lalo na ang inyong dios!’ ”
16. May idinagdag pang masamang mga salita ang mga opisyal ni Senakerib laban sa Panginoong Dios at sa kanyang lingkod na si Hezekia.
17. Nagpadala pa si Haring Senakerib ng mga sulat para insultuhin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. Ito ang sulat niya: “Ang mga dios ng ibang mga bansa ay hindi nailigtas ang kanilang mga mamamayan mula sa aking kamay. Kaya ang dios ni Hezekia ay hindi rin maililigtas ang kanyang mga mamamayan mula sa aking mga kamay.”
18. Sinabi ito nang malakas ng mga opisyal ni Senakerib sa wikang Hebreo para takutin ang mga mamamayan ng Jerusalem na nagtitipon noon sa may pader. At kapag natakot na ang mga tao, madali na nilang masasakop ang lungsod.
19. Ang mga opisyal ay nagsabi ng masama laban sa Dios ng Jerusalem gaya ng kanilang sinabi laban sa mga dios ng ibang bansa na gawa lang ng tao.
20. Nanalangin sina Haring Hezekia at si Propeta Isaias na anak ni Amoz sa Dios sa langit.
21. At nagpadala ang Panginoon ng anghel na lumipol sa matatapang na sundalo, mga kumander, at sa mga opisyal sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya umuwi si Haring Senakerib na labis na napahiya. At nang pumasok siya sa templo ng kanyang dios, pinatay siya ng iba niyang mga anak sa pamamagitan ng espada.
22. Kaya iniligtas ng Panginoon si Hezekia at ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kamay ni Haring Senakerib ng Asiria at sa kamay ng iba pang mga kalaban. Binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang paligid.
23. Maraming tao ang nagdala ng mga handog sa Jerusalem para sa Panginoon. Nagdala rin sila ng mga mamahaling regalo kay Haring Hezekia. Mula noon, pinarangalan si Hezekia ng lahat ng bansa.
24. Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia at halos mamatay na. Nanalangin siya sa Panginoon, at binigyan siya ng Panginoon ng isang tanda na gagaling siya.
25. Pero nagyabang si Hezekia at binalewala niya ang kabutihang ipinakita ng Panginoon sa kanya. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanya at sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem.
26. Pagkatapos, nagsisi si Hezekia sa kanyang pagmamalaki, at ganoon din ang mga mamamayan ng Jerusalem. Kaya hindi ipinadama ng Panginoon ang kanyang galit sa kanila habang nabubuhay pa si Hezekia.
27. Si Hezekia ay mayaman at tanyag. Nagpagawa siya ng mga bodega para sa kanyang mga pilak, ginto, mamahaling bato, pampalasa, pananggalang at iba pang mamahaling bagay.
28. Nagpagawa rin siya ng mga bodega para sa kanyang mga trigo, bagong katas ng ubas at langis. Bukod pa rito, nagpagawa rin siya ng mga kulungan para sa kanyang mga hayop,
29. dahil napakarami niyang hayop. Nagpatayo rin siya ng mga bayan, dahil binigyan siya ng Panginoon ng maraming kayamanan.
30. Si Hezekia ang nag-utos na lagyan ng harang ang dinadaanan ng tubig na mula sa bukal ng Gihon at padaluyin ito papunta sa kanluran ng Lungsod ni David. Nagtagumpay si Hezekia sa lahat ng kanyang ginawa.