2 Cronica 32:1-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Matapos magampanan nang tapat ni Hezekia ang mga gawaing ito, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang Juda. Tinambangan niya at ng kanyang mga sundalo ang mga napapaderang lungsod, dahil iniisip niyang masasakop niya ito.

2. Nang makita ni Hezekia na pati ang Jerusalem ay lulusubin ni Senakerib,

3. kinausap niya ang kanyang mga opisyal at mga pinuno ng kanyang mga sundalo. Nagkaisa silang patigilin ang pagdaloy ng mga bukal sa labas ng lungsod.

4. Kaya nagtipon sila ng maraming tao at tinambakan nila ang mga bukal at lambak na dinadaluyan ng tubig sa lupain. Sapagkat sinabi nila, “Pagdating dito ng mga hari ng Asiria, kakapusin sila ng tubig.”

5. Pagkatapos, pinatibay pa ni Hezekia ang kanyang mga depensa sa pamamagitan ng pagpapaayos ng mga pader at pagpapatayo ng mga tore. Pinalibutan pa niya ng isa pang pader ang lungsod, at pinatambakan ng lupa ang mababang bahagi ng Lungsod ni David. Nagpagawa rin siya ng maraming armas at mga pananggalang.

6. Nagtalaga siya ng mga pinuno sa mga tao, at ipinatipon niya sila sa plasa, malapit sa pintuan ng lungsod. Pinalakas niya ang kanilang loob, sinabi niya,

7. “Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa hari ng Asiria o sa marami niyang sundalo. Sapagkat higit na makapangyarihan ang sumasaatin kaysa sa kanya.

8. Mga tao lang ang kasama niya; pero tayo, kasama natin ang Panginoon na ating Dios. Siya ang tutulong sa atin at makikipaglaban para sa atin.” Kaya tumatag ang mga tao dahil sa sinabi ni Haring Hezekia ng Juda.

9. Habang nilulusob ni Haring Senakerib at ng kanyang mga sundalo ang lungsod ng Lakish, isinugo niya ang kanyang mga opisyal sa Jerusalem para sabihin ito kay Haring Hezekia at sa mga mamamayan doon:

10. “Ito ang sinabi ni Haring Senakerib ng Asiria: ‘Ano ba ang inaasahan ninyo at nananatili pa rin kayo sa Jerusalem kahit pinalilibutan na namin kayo?

11. Sinabi ni Hezekia sa inyo na ililigtas kayo ng Panginoon na inyong Dios sa kamay ng hari ng Asiria, pero inililigaw lang niya kayo para mamatay kayo sa gutom at uhaw.

12. Hindi baʼt si Hezekia mismo ang nagpagiba ng mga sambahan ng Panginoon sa matataas na lugar, pati ng mga altar nito? Nag-utos pa siya sa inyong mga taga-Juda at Jerusalem na sa isang altar lang kayo sumamba at magsunog ng mga handog.

2 Cronica 32