1. Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias.
2. Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ninuno niyang si David
3. Sa unang buwan nang unang taon ng paghahari niya, pinabuksan niyang muli ang mga pintuan ng templo ng Panginoon at ipinaayos ito.
4. Ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita, at pinatipon sa loob ng bakuran sa bandang silangan ng templo.
5. Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan nʼyo ako, kayong mga Levita! Linisin ninyo ang inyong mga sarili ngayon, at linisin din ninyo ang templo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Kunin nʼyo sa templo ang lahat ng bagay na itinuturing na marumi.
6. Hindi naging tapat ang ating mga ninuno. Masama ang ginawa nila sa paningin ng Panginoon na ating Dios at siyaʼy kanilang itinakwil. Pinabayaan nila ang kanyang templo at siyaʼy kanila ngang tinalikuran.
7. Isinara nila ang mga pintuan sa balkonahe ng templo at pinatay ang mga ilaw. Hindi sila nagsunog ng insenso o nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo para sa Dios ng Israel.
8. Kaya nagalit ang Panginoon sa Juda at sa Jerusalem. At dahil sa kanyang parusa sa atin, pinandirihan, kinutya at minaliit tayo ng mga tao gaya ng inyong nakikita ngayon.
9. Namatay ang mga ninuno natin sa labanan, at binihag ang ating mga asawaʼt anak.
10. Pero ngayon, desidido akong gumawa ng kasunduan sa Panginoon, ang Dios ng Israel, para mawala ang matindi niyang galit sa atin.
11. Kaya mga minamahal, huwag na kayong magpabaya. Kayo ang pinili ng Panginoon para tumayo sa kanyang presensya, at para maglingkod at maghandog.”
12. Kaya nagsimula sa paggawa ang mga Levita:Sa pamilya ni Kohat: sina Mahat na anak ni Amasai at Joel na anak ni Azaria.Sa pamilya ni Merari: sina Kish na anak ni Abdi at Azaria na anak ni Jehalelel.Sa pamilya ni Gershon: sina Joa na anak ni Zima at Eden na anak ni Joa.
13. Sa angkan ni Elizafan: sina Shimri at Jeyel.Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matania.