2 Cronica 28:18-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

18. Bukod pa rito, nilusob din ng mga Filisteo ang mga bayan ng Juda na nasa kaburulan sa kanluran at nasa Negev. Naagaw nila ang Bet Shemesh, Ayalon, Gederot, Soco, Timnah at Gimzo, pati ang mga baryo sa paligid nito; at doon na sila nanirahan.

19. Ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil hinikayat ni Haring Ahaz ang mga mamamayan sa paggawa ng kasamaan, at hindi siya sumunod sa Panginoon.

20. Kaya pagdating ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria, ginipit niya si Ahaz sa halip na tulungan.

21. Nanguha si Ahaz ng mga ari-arian sa templo ng Panginoon, sa palasyo, at sa mga bahay ng mga opisyal, at ibinigay niya ito sa hari ng Asiria. Pero hindi ito nakatulong kay Ahaz.

22. Sa panahon ng mga kahirapan ni Haring Ahaz, lalo pa siyang naging suwail sa Panginoon.

23. Nag-alay siya ng mga handog sa mga dios ng mga taga-Damascus na tumalo sa kanya. Sapagkat sinabi niya, “Ang mga hari ng Aram ay tinulungan ng kanilang mga dios. Kaya maghahandog din ako sa mga dios na ito para tulungan din nila ako.” Pero ang mga ito ang nagpahamak sa kanya at sa mga taga-Israel.

24. Kinuha ni Ahaz ang mga kagamitan sa templo ng Dios at ipinadurog ito. Ipinasara niya ang pintuan ng templo, at nagpatayo siya ng mga altar sa bawat kanto ng Jerusalem.

2 Cronica 28