1. Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David.
2. Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, at gumawa ng metal na mga imahen ni Baal.
3. Nagsunog siya ng mga handog sa Lambak ng Ben Hinom, at inihandog niya mismo sa apoy ang kanyang mga anak na lalaki. Sinunod niya ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.
4. Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar, sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.
5. Kaya ibinigay siya ng Panginoon na kanyang Dios sa hari ng Aram. Tinalo siya ng mga Arameo at marami sa kanyang mamamayan ang binihag sa Damascus. Ibinigay din siya sa hari ng Israel, na pumatay ng marami sa kanyang mamamayan.
6. Sa isang araw lang 120,000 sundalo ng Juda ang pinatay ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Nangyari ito sa mga taga-Juda dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.
7. Pinatay ni Zicri, na isang matapang na sundalo ng Israel, sina Maaseya na anak ni Haring Ahaz, Azrikam na tagapamahala ng palasyo, at Elkana na pangalawa sa hari.
8. Binihag ng mga taga-Israel ang kanilang mga kadugo na taga-Juda – 200,000 asawaʼt mga anak. Sinamsam din nila ang mga ari-arian ng mga taga-Juda at dinala pauwi sa Samaria.
9. Pero nang dumating ang mga sundalo sa Samaria, sinalubong sila ni Oded na propeta ng Panginoon, at sinabi, “Ipinaubaya sa inyo ng Panginoon na inyong Dios ang Juda dahil sa kanyang galit sa kanila. Pero labis ang ginawa ninyo; pinagpapatay nʼyo sila nang walang awa, at nalaman ito ng Panginoon doon sa langit.
10. At ngayon, gusto pa ninyong alipinin ang mga lalaki at mga babae na mula sa Jerusalem at sa iba pang lungsod ng Juda. Hindi baʼt may kasalanan din kayo sa Panginoon na inyong Dios?