2 Cronica 26:3-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

3. Si Uzia ay 16 na taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 52 taon. Ang ina niya ay si Jecolia na taga-Jerusalem.

4. Matuwid ang ginawa ni Uzia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazia.

5. Dumulog siya sa Dios nang panahon ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa paggalang sa Dios. Hanggaʼt dumudulog siya sa Panginoon, binibigyan siya nito ng katagumpayan.

6. Nakipaglaban siya sa mga Filisteo at winasak niya ang mga pader sa mga lungsod ng Gat, Jabne at Ashdod. Pagkatapos, nagpatayo siya ng bagong mga bayan malapit sa Ashdod at sa iba pang mga bayan ng Filisteo.

7. Tinulungan siya ng Dios sa kanyang pakikipaglaban sa mga Filisteo, Meuneo at sa mga Arabo na nakatira sa Gur Baal.

8. Nagbabayad ng buwis ang mga Ammonita sa kanya, at naging tanyag siya hanggang sa Egipto, dahil naging makapangyarihan siya.

9. Pinatatag pa ni Uzia ang Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga tore sa Sulok na Pintuan, sa Pintuan na Nakaharap sa Lambak, at sa likuan ng pader.

10. Nagpatayo rin siya ng mga tore sa ilang at nagpahukay ng mga balon na imbakan ng mga tubig, dahil marami ang kanyang mga hayop sa mga kaburulan sa kanluran at sa kapatagan. May mga tauhan siya na nag-aalaga sa kanyang bukirin at ubasan sa kabundukan at sa kapatagan, dahil mahilig siyang magtanim.

11. May mahuhusay na sundalo si Uzia na laging handa sa labanan. Silaʼy binuo nina Jeyel na kalihim at Maaseya na opisyal, sa ilalim ng pamamahala ni Hanania na isa sa mga opisyal ng hari.

12. Ang mga kumander ng matatapang na sundalo ay ang mga pinuno ng mga pamilya na 2,600 lahat.

13. Ang kabuuang bilang ng mga sundalo ay 307,500. Silaʼy mahuhusay sa labanan at handa sa pagtulong sa hari laban sa mga kaaway niya.

2 Cronica 26