18. Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang iyong anak na babae sa aking anak na lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik.
19. Amazia, totoong natalo mo ang Edom, at ipinagyabang mo ito. Pero mabuti pang huwag ka na lang makipaglaban sa amin, manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gustong-gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”
20. Pero hindi nakinig si Amazia, dahil kumikilos ang Dios para wasakin siya ni Jehoash dahil sa kanyang pagsamba sa mga dios ng Edom.
21. Kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda.