2 Cronica 25:1-6 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Si Amazia ay 25 taong gulang nang siya ay naging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Jehoadin na taga-Jerusalem.

2. Matuwid ang ginawa ni Amazia sa paningin ng Panginoon, pero hindi lubos ang pagsunod niya sa Panginoon.

3. Nang matatag na ang paghahari ni Amazia, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari.

4. Pero hindi niya ipinapatay ang kanilang mga anak, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Huwag papatayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Papatayin lang ang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.”

5. Tinipon ni Amazia ang kanyang mga sundalo na mula sa Juda at Benjamin. Binukod-bukod niya sila ayon sa kanilang pamilya at nilagyan ng mga kumander na mamamahala ng tig-100 at tig-1,000 sundalo. Pagkatapos, binilang niya ang kanyang mga sundalo na nasa 20 taong gulang pataas, at ang bilang ay 300,000. Silaʼy mahuhusay sa sibat at pananggalang.

6. Kumuha rin siya ng 100,000 sundalo mula sa Israel. Nagbayad siya ng 3,500 kilong pilak bilang upa sa mga sundalo.

2 Cronica 25