22. Kinalimutan ni Haring Joash ang kabutihang ipinakita sa kanya ni Jehoyada, na ama ni Zacarias. Sa halip, pinatay niya si Zacarias. Ito ang sinabi ni Zacarias nang naghihingalo na siya, “Sanaʼy pansinin ng Panginoon ang inyong ginawa, at singilin niya kayo.”
23. Nang simula ng bagong taon, nilusob ng mga sundalo ng Aram ang Juda. Natalo nila ang Juda at ang Jerusalem, at pinatay nila ang mga pinuno ng Juda. At dinala nila sa kanilang hari sa Damascus ang lahat ng kanilang nasamsam.
24. Kakaunti lang ang mga sundalo ng Aram na lumusob kung ihahambing sa mga sundalo ng Juda. Pero ipinatalo sa kanila ng Panginoon ang Juda, dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Kaya dumating ang parusang ito kay Joash.
25. Pag-alis ng mga taga-Aram, malubha ang mga sugat ni Joash. Pero nagplano ang kanyang mga opisyal na patayin siya dahil sa pagpatay niya sa anak ni Jehoyada na pari. Kaya pinatay nila siya sa kanyang higaan. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.
26. Ang mga pumatay sa kanya ay sina Zabad na anak ng isang babaeng Ammonita na si Shimeat, at si Jehozabad na anak ng isang babaeng Moabita na si Shimrit.
27. Ang salaysay tungkol sa mga anak ni Joash, sa mga propesiya tungkol sa kanya, at sa pagpapaayos ng templo ng Dios ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari. At ang anak niyang si Amazia ang pumalit sa kanya bilang hari.