16. Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lungsod ni David, dahil sa mabubuting ginawa niya sa Israel para sa Dios at sa kanyang templo.
17. Pero pagkatapos mamatay ni Jehoyada, pumunta ang mga opisyal ng Juda kay Haring Joash at hinimok siyang makinig sa kanila.
18. Nagpasya sila na pabayaan na lang ang templo ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at sumamba sa posteng simbolo ng diyosang si Ashera at sa iba pang mga dios-diosan. Dahil sa ginawa nila, nagalit ang Dios sa Juda at sa Jerusalem.
19. Nagpadala ang Panginoon ng mga propeta sa mga tao para pabalikin sila sa kanya, pero hindi sila nakinig.
20. Si Zacarias na anak ni Jehoyada na pari ay pinuspos ng Espiritu ng Dios. Tumayo siya sa harapan ng mga tao at nagsabi, “Ito ang sinabi ng Dios: Bakit hindi nʼyo sinusunod ang mga utos ng Panginoon? Hindi kayo uunlad kailanman. Dahil itinakwil nʼyo ang Panginoon, itatakwil din niya kayo.”
21. Nagplano ang mga opisyal na patayin si Zacarias. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias sa loob ng bakuran ng templo ng Panginoon, at namatay ito.
22. Kinalimutan ni Haring Joash ang kabutihang ipinakita sa kanya ni Jehoyada, na ama ni Zacarias. Sa halip, pinatay niya si Zacarias. Ito ang sinabi ni Zacarias nang naghihingalo na siya, “Sanaʼy pansinin ng Panginoon ang inyong ginawa, at singilin niya kayo.”
23. Nang simula ng bagong taon, nilusob ng mga sundalo ng Aram ang Juda. Natalo nila ang Juda at ang Jerusalem, at pinatay nila ang mga pinuno ng Juda. At dinala nila sa kanilang hari sa Damascus ang lahat ng kanilang nasamsam.