2 Cronica 20:5-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Tumayo si Jehoshafat sa harapan ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem doon sa harap ng templo ng Panginoon, sa harapan ng bagong bakuran nito,

6. at nagsabi, “O Panginoon, Dios ng aming mga ninuno, kayo po ang Dios na nasa langit. Kayo ang namamahala sa lahat ng kaharian sa mundo. Makapangyarihan po kayo dahil walang makakalaban sa inyo.

7. O Dios namin, hindi baʼt itinaboy nʼyo po ang mga nakatira sa lupaing ito sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan? At hindi ba ibinigay nʼyo po ito sa kanila na mga lahi ni Abraham na inyong kaibigan, para maging kanila magpakailanman?

8. Nakatira po sila rito at pinatayuan ng templo para sa karangalan ng inyong pangalan. Sinabi nila,

9. ‘Kung may sakunang darating sa amin gaya ng labanan, kasamaan, o taggutom, tatayo kami sa inyong presensya sa harap ng templong ito kung saan pinararangalan kayo. Hihingi kami ng tulong sa inyo sa aming kahirapan, at pakikinggan nʼyo kami at ililigtas.’

10. “Ngayon, nilulusob kami ng mga tao mula sa Ammon, Moab at Bundok ng Seir. Noon, ang mga teritoryo nila ay hindi nʼyo pinapayagang sakupin ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Kaya umiwas ang mga Israelita sa kanila at hindi sila nilipol.

11. Pero ngayon, masdan nʼyo po ang iginanti nila sa amin. Nilulusob nila kami para itaboy kami sa lupain na inyo pong ibinigay sa amin bilang mana.

12. O Dios namin, hindi nʼyo po ba sila parurusahan? Sapagkat wala kaming kakayahang humarap sa napakaraming sundalo na lumulusob sa amin. Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin, pero nagtitiwala po kami sa inyo.”

13. Habang nakatayo roon ang lahat ng lalaking taga-Juda, kasama ang kanilang mga asawaʼt anak, at kanilang mga sanggol,

14. pinatnubayan ng Espiritu ng Panginoon si Jahaziel na nakatayo roon kasama nila. Si Jahaziel ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Benaya. Si Benaya ay anak ni Jeyel. At si Jeyel ay anak ni Matania na Levita at mula sa angkan ni Asaf.

15. Sinabi ni Jahaziel, “Makinig po kayo, Haring Jehoshafat, at lahat kayong nakatira sa Juda at Jerusalem! Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa napakaraming sundalong ito, dahil ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo kundi sa Dios.

16. Bukas, puntahan nʼyo sila. Makikita nʼyo sila na aahon sa ahunan ng Ziz, sa dulo ng kapatagan na papuntang disyerto ng Jeruel.

17. Hindi na kailangan na makipaglaban pa kayo. Maghanda lang kayo at magpakatatag, at masdan nʼyo ang katagumpayan na gagawin ng Panginoon para sa inyo. Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, huwag kayong matakot o manghina. Harapin nʼyo sila bukas at ang Panginoon ay sasama sa inyo.’ ”

18. Lumuhod si Jehoshafat at ang lahat ng taga-Juda at taga-Jerusalem sa pagsamba sa Panginoon.

19. Pagkatapos, tumayo ang ibang mga Levita mula sa mga pamilya nina Kohat at Kora at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel, sa napakalakas na tinig.

20. Kinabukasan nang maagang-maaga pa, pumunta sina Jehoshafat sa disyerto ng Tekoa. Habang naglalakad sila, huminto si Jehoshafat at nagsabi, “Pakinggan nʼyo ako, kayong taga-Juda at taga-Jerusalem! Maniwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, at maging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang propeta, at magtatagumpay kayo.”

21. Pagkatapos niyang makipag-usap sa mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit para mauna sa kanila at umawit sa Panginoon upang papurihan siya sa kanyang banal na presensya. Ito ang kanilang inaawit: “Pasalamatan ang Panginoon dahil ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.”

22. At nang nagsimula silang umawit ng mga papuri, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Moabita, Ammonita at mga taga-Bundok ng Seir.

23. Nilusob ng mga Ammonita at Moabita ang mga sundalo ng mga taga-Bundok ng Seir at nilipol silang lahat. Pagkatapos nilang pumatay, sila naman ang nagpatayan.

2 Cronica 20