2 Cronica 18:26-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

26. At sabihin nʼyo sa kanila na nag-utos ako na ikulong ang taong ito, tinapay at tubig lang ang ibigay sa kanya hanggang makabalik akong ligtas mula sa labanan.”

27. Sinabi ni Micaya, “Kung makabalik ka ng walang nangyari, ang ibig sabihin hindi nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ko.” At sinabi ni Micaya sa lahat ng tao roon, “Tandaan nʼyo ang sinabi ko!”

28. Kaya lumusob sa Ramot Gilead si Haring Ahab ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda.

29. Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, “Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, pero ikaw ang siyang magsusuot ng damit panghari.” Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.

30. Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa kumander ng kanyang mga mangangarwahe, “Huwag ninyong lusubin ang kahit sino, kundi ang hari lang ng Israel.”

31. Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Pero humingi ng tulong sa Panginoon si Jehoshafat, at tinulungan siya at inilayo sa mga kalaban niya.

32. Nang mapansin ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel, huminto sila sa paghabol sa kanya.

33. Pero habang namamana ang isang sundalong Arameo sa mga sundalo ng Israel, natamaan niya ang hari ng Israel sa pagitan ng kanyang panangga sa dibdib. Sinabi ni Haring Ahab sa nagdadala ng kanyang karwahe, “Ilayo mo ako sa labanan! Dahil nasugatan ako.”

34. Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ng Israel ay nakasandal lang sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga Arameo hanggang hapon. At nang lumubog na ang araw, siyaʼy namatay.

2 Cronica 18