2 Cronica 18:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Yumaman at naging tanyag na si Jehoshafat, at naging mabuti ang kanyang relasyon kay Haring Ahab ng Israel dahil sa pagpapakasal ng ilang miyembro ng kanilang mga pamilya.

2. Pagkalipas ng ilang taon, dumalaw si Jehoshafat kay Ahab sa Samaria. Nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa pagpapapiging kay Jehoshafat at sa mga tauhan niya. At hinikayat niya si Jehoshafat na lusubin ang Ramot Gilead.

3. Sinabi niya kay Jehoshafat, “Sasama ka ba sa amin sa pakikipaglaban sa Ramot Gilead?” Sumagot si Jehoshafat, “Handa akong sumama sa iyo, at handa akong ipagamit sa iyo ang aking mga sundalo. Oo, sasama kami sa inyo sa pakikipaglaban.

4. Pero tanungin muna natin ang Panginoon kung ano ang kanyang masasabi.”

5. Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga propeta – 400 silang lahat, at tinanong, “Pupunta ba kami sa Ramot Gilead o hindi?” Sumagot sila, “Sige, lumakad kayo, dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon!”

6. Pero nagtanong si Jehoshafat, “Wala na bang iba pang propeta ng Panginoon na mapagtatanungan natin?”

7. Sumagot si Ahab kay Jehoshafat, “May isa pang maaari nating mapagtanungan – si Micaya na anak ni Imla. Pero napopoot ako sa kanya dahil wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan.” Sumagot si Jehoshafat, “Hindi ka dapat magsalita ng ganyan.”

8. Kaya ipinatawag ni Ahab ang isa sa kanyang opisyal at sinabi, “Dalhin nʼyo agad dito si Micaya na anak ni Imla.”

9. Ngayon, sina Haring Ahab ng Israel at Haring Jehoshafat ng Juda, na nakasuot ng kanilang damit panghari, ay nakaupo sa kanilang trono sa harapan ng giikan na nasa bandang pintuang bayan ng Samaria, at nakikinig sa sinasabi ng mga propeta.

10. Si Zedekia na isa sa mga propeta, na anak ni Kenaana ay gumawa ng sungay na bakal. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Sa pamamagitan ng sungay na ito, lilipulin mo, Haring Ahab, ang mga Arameo hanggang sa maubos sila.’ ”

11. Ganito rin ang sinabi ng lahat ng propeta. Sinabi nila, “Lusubin nʼyo po ang Ramot Gilead, Haring Ahab, at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo ng Panginoon.”

2 Cronica 18