2 Corinto 8:10-17 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Kaya ito ang maipapayo ko sa inyo: Makabubuti kung ipagpapatuloy ninyo ang inumpisahan ninyong pagbibigay noong nakaraang taon. Kayo ang unang nakaisip nito, at kayo rin ang unang nagsagawa.

11. Kaya ituloy ninyo ito! Pagsikapan ninyong tapusin ang gawain na masigasig ninyong inumpisahan, at magbigay kayo sa abot ng inyong makakaya.

12. Sapagkat kung kusang-loob ang inyong pagbibigay, tatanggapin ng Dios ang anumang makayanan ninyo. Hindi niya kayo pinagbibigay nang hindi ninyo kaya.

13. Hindi ko sinasabi na magbigay kayo para guminhawa ang iba at kayo naman ang maghirap, kundi para magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa ating kalagayan.

14. Sa ngayon ay masagana kayo, kaya nararapat lamang na tulungan ninyo ang nangangailangan. Sa panahon na kayo naman ang mangailangan, at sila ang masagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa ganoon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ng isaʼt isa.

15. Ayon nga sa Kasulatan,“Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra,at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.”

16. Nagpapasalamat kami sa Dios na ipinadama niya sa puso ni Tito ang pagmamalasakit sa inyo na tulad ng pagmamalasakit namin sa inyo.

17. Sapagkat hindi lang siya sumang-ayon sa aming pakiusap, kundi siya na rin mismo ang may gustong pumunta riyan.

2 Corinto 8