2 Corinto 5:8-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Hindi kami pinanghihinaan ng loob, kahit na mas gusto naming iwanan ang aming katawan at makapiling na ang Panginoon.

9. Kaya naman, sinisikap naming malugod ang Dios sa amin, maging dito man o sa piling na niya.

10. Sapagkat haharap tayong lahat kay Cristo para hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.

11. Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, ginagawa namin ang lahat para mahikayat ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Dios ang tunay naming pagkatao, at umaasa akong alam din ninyo ito.

12. Hindi dahil sa ibinibida na naman namin ang aming sarili, kundi dahil gusto namin na may maipagmalaki kayo tungkol sa amin, para may maisagot kayo sa mga taong pumupuri lamang sa mga bagay na panlabas, at hindi sa nilalaman ng puso.

13. Kung magmukha man kaming nasisiraan ng bait, itoʼy para sa Dios. At kung kami naman ay matino, itoʼy para sa inyong kapakanan.

14. Sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang siyang nag-uudyok sa amin na sundin ang kanyang kalooban. Kumbinsido kami na namatay si Cristo para sa lahat, kaya maituturing din na namatay ang lahat.

15. Namatay siya para sa lahat, para ang lahat ng nabubuhay ngayon ay hindi na mamumuhay para sa sarili, kundi para sa kanya na namatay at nabuhay para sa kanila.

16. Kaya ngayon, hindi na namin tinitingnan ang mga tao ayon sa batayan ng mga hindi kumikilala sa Dios. Noong una, ganoon ang pagtingin namin kay Cristo, pero hindi na ngayon.

17. Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya.

18. Ang lahat ng itoʼy gawa ng Dios na nagpanumbalik sa atin sa kanya sa pamamagitan ni Cristo. At ibinigay niya sa amin ang tungkuling papanumbalikin ang mga tao sa kanya.

19. At ito nga ang aming ibinabalita: Pinapanumbalik ng Dios ang mga tao sa kanya sa pamamagitan ni Cristo, at hindi na ibinibilang na laban sa kanila ang kanilang mga kasalanan. At kami ang kanyang pinagkatiwalaan na magpahayag ng mensaheng ito.

2 Corinto 5