1. Dahil sa awa ng Dios, pinili niya kami para ipahayag ang kanyang bagong pamamaraan sa pagpapawalang-sala sa mga tao, kaya naman hindi kami pinanghihinaan ng loob.
2. Tinalikuran namin ang mga kahiya-hiya at patagong gawain. Hindi kami nanlilinlang, at hindi rin namin binabaluktot ang salita ng Dios. Pawang katotohanan ang ipinangangaral namin. Alam ito ng Dios, at malinis ang aming konsensya sa harap ng tao.
3. Ngunit kung may mga hindi nakakaintindi sa Magandang Balita na aming ipinapahayag, ito ay ang mga taong napapahamak.
4. Ayaw nilang maniwala sa Magandang Balita dahil ang kanilang mga isipan ay binulag ni Satanas na naghahari sa mundong ito. Binulag niya sila para hindi nila maintindihan ang Magandang Balita tungkol sa kapangyarihan ni Cristo, na siyang larawan ng Dios.
5. Hindi namin ipinangangaral ang aming mga sarili kundi si Jesu-Cristo, na siyang Panginoon. Naglilingkod kami sa inyo dahil kay Jesus.
6. Sapagkat ang Dios na nagsabing, “Magkaroon ng liwanag sa kadiliman,” ang siya ring nagbigay-liwanag sa aming mga isipan para maunawaan namin ang kapangyarihan ng Dios na nahayag kay Jesu-Cristo.
7. Nasa amin ang kayamanang ito, ngunit tulad lang kami ng palayok na pinaglagyan nito para maipakita na ang hindi mapamarisang kapangyarihan na nasa amin ay mula sa Dios at hindi sa amin.
8. Sa aming pangangaral, ginigipit kami sa lahat ng paraan, pero hindi kami nalulupig. Kung minsan kami ay naguguluhan, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa.
9. Maraming umuusig sa amin, ngunit hindi kami pinapabayaan ng Dios. Kung minsaʼy sinasaktan kami, ngunit hindi tuluyang napapatay.
10. Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan tulad ng nangyari kay Jesus, para sa pamamagitan ng aming buhay ay makita rin ang buhay ni Jesus.
11. Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan dahil sa paglilingkod namin kay Jesus, para sa pamamagitan ng aming katawang may kamatayan, makita ng lahat ang buhay ni Jesus.