5. Sa tingin ko, hindi naman ako huli sa mga nagsasabi riyan na magagaling daw sila na mga apostol.
6. Maaaring hindi ako magaling magsalita pero sapat naman ang karunungan ko sa katotohanan. At iyan ay naipakita namin sa inyo sa lahat ng aming pagtuturo.
7. Hindi ako humingi ng bayad nang ipangaral ko sa inyo ang Magandang Balita mula sa Dios, kundi nagtrabaho ako para matulungan ko kayo sa inyong buhay espiritwal. Masama ba ang ginawa kong ito?
8. Tumanggap ako ng tulong mula sa ibang iglesya noong akoʼy naglilingkod sa inyo. Parang ninakawan ko sila, matulungan lamang kayo.
9. At noong kinapos ako sa aking mga pangangailangan habang kasama ninyo, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo. Ang ating mga kapatid na dumating mula sa Macedonia ang nagbigay ng aking mga pangangailangan. Iniwasan kong maging pabigat sa inyo at iyan ang palagi kong gagawin.
10. Hindi ako titigil sa pagmamalaki sa lahat ng lugar sa Acaya na hindi ako naging pabigat sa inyo. Totoo ang sinasabi kong ito dahil nasa akin si Cristo.
11. Pero baka isipin ninyo na kaya hindi ako humihingi ng tulong sa inyo ay dahil sa hindi ko na kayo mahal. Hindi totoo iyan. Alam ng Dios na mahal na mahal ko kayo!
12. Pero patuloy kong paninindigan ang sinasabi ko ngayon na hindi ako hihingi ng tulong sa inyo, para hindi masabi ng mga nagpapakaapostol na silaʼy katulad namin kung maglingkod.
13. Sapagkat ang mga taong iyan ay hindi naman mga tunay na apostol, kundi mga manlilinlang at nagpapanggap lang na mga apostol ni Cristo.
14. At hindi naman iyan nakapagtataka, dahil maging si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng Dios na nagbibigay-liwanag.
15. Kaya hindi rin nakapagtataka na ang kanyang mga alagad ay magkunwari ding mga alagad ng katuwiran. Pero darating ang araw na parurusahan sila sa lahat ng kanilang mga ginagawa.
16. Inuulit ko, huwag ninyong isipin na isa akong hangal. Pero kung ganyan ang tingin ninyo sa akin, hindi na bale, basta hayaan ninyo akong magmalaki nang kahit kaunti.
17. Kung sa bagay, kung ipagmamalaki ko ang aking sarili, hindi ito galing sa Panginoon, at para akong hangal.