2 Corinto 11:13-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Sapagkat ang mga taong iyan ay hindi naman mga tunay na apostol, kundi mga manlilinlang at nagpapanggap lang na mga apostol ni Cristo.

14. At hindi naman iyan nakapagtataka, dahil maging si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng Dios na nagbibigay-liwanag.

15. Kaya hindi rin nakapagtataka na ang kanyang mga alagad ay magkunwari ding mga alagad ng katuwiran. Pero darating ang araw na parurusahan sila sa lahat ng kanilang mga ginagawa.

16. Inuulit ko, huwag ninyong isipin na isa akong hangal. Pero kung ganyan ang tingin ninyo sa akin, hindi na bale, basta hayaan ninyo akong magmalaki nang kahit kaunti.

17. Kung sa bagay, kung ipagmamalaki ko ang aking sarili, hindi ito galing sa Panginoon, at para akong hangal.

18. Pero dahil sa marami riyan ang nagmamalaki tulad ng mga taong makamundo, magmamalaki rin ako.

19. Sinasabi ninyong matatalino kayo, pero hinahayaan lamang ninyong diktahan kayo ng mga hangal.

20. Sa katunayan, hinahayaan lang ninyo na alipinin kayo, agawan ng mga ari-arian, pagsamantalahan, pagmataasan, at hamakin.

21. Nakakahiya mang aminin na mahihina kami, pero hindi namin kayang gawin ang mga iyan!Kung may magmamalaki riyan, magmamalaki rin ako, kahit na magmukha akong hangal sa sinasabi ko.

22. Ipinagmamalaki ba nilang silaʼy mga Judio, mga Israelita, at kabilang sa lahi ni Abraham? Ako rin!

23. Sila baʼy mga lingkod ni Cristo? Alam kong para na akong baliw sa sinasabi ko, pero ako rin ay lingkod ni Cristo, at higit pa nga kaysa sa kanila! Dahil higit akong nagpakahirap kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nakulong, nahagupit, at nalagay sa bingit ng kamatayan.

24. Limang beses akong tumanggap ng 39 na hagupit sa kapwa ko mga Judio.

25. Tatlong beses akong pinaghahampas ng mga sundalong Romano. Minsan na rin akong pinagbabato ng mga Judio. Tatlong beses kong naranasan na lumubog ang sinasakyang barko, at minsaʼy buong araw at gabi akong palutang-lutang sa dagat.

2 Corinto 11