2 Corinto 11:1-10 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Ipagpaumanhin ninyo kung ngayon ay magsalita ako na parang hangal.

2. Makadios na pagseselos kasi ang nararamdaman ko para sa inyo. Sapagkat tulad kayo ng isang dalagang birhen na ipinangako kong ipapakasal sa isang lalaki, si Cristo.

3. Pero nag-aalala ako na baka malinlang kayo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas, at mawala ang inyong taos-pusong hangaring sumunod kay Cristo.

4. Sapagkat madali kayong napapaniwala ng kahit sinong dumarating diyan na nangangaral ng ibang Jesus kaysa sa aming ipinangaral sa inyo. At tinatanggap din ninyo ang ibang uri ng espiritu at ang kanilang sinasabing magandang balita na iba kaysa sa inyong tinanggap sa amin.

5. Sa tingin ko, hindi naman ako huli sa mga nagsasabi riyan na magagaling daw sila na mga apostol.

6. Maaaring hindi ako magaling magsalita pero sapat naman ang karunungan ko sa katotohanan. At iyan ay naipakita namin sa inyo sa lahat ng aming pagtuturo.

7. Hindi ako humingi ng bayad nang ipangaral ko sa inyo ang Magandang Balita mula sa Dios, kundi nagtrabaho ako para matulungan ko kayo sa inyong buhay espiritwal. Masama ba ang ginawa kong ito?

8. Tumanggap ako ng tulong mula sa ibang iglesya noong akoʼy naglilingkod sa inyo. Parang ninakawan ko sila, matulungan lamang kayo.

9. At noong kinapos ako sa aking mga pangangailangan habang kasama ninyo, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo. Ang ating mga kapatid na dumating mula sa Macedonia ang nagbigay ng aking mga pangangailangan. Iniwasan kong maging pabigat sa inyo at iyan ang palagi kong gagawin.

10. Hindi ako titigil sa pagmamalaki sa lahat ng lugar sa Acaya na hindi ako naging pabigat sa inyo. Totoo ang sinasabi kong ito dahil nasa akin si Cristo.

2 Corinto 11