1 Timoteo 5:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Huwag mong pagsasabihan nang marahas ang matatandang lalaki, sa halip kausapin mo sila na parang iyong ama. Ituring mo ang mga kabataang lalaki na parang mga kapatid,

2. at ang matatandang babae na parang iyong ina. Pakitunguhan mo nang may malinis na puso ang mga nakababatang babae na parang kapatid mo na rin.

3. Bigyan mo ng kaukulang pansin at tulong ang mga biyuda na wala nang ibang inaasahan.

4. Ngunit kung may mga anak o apo ang isang biyuda, sila ang dapat kumalinga sa kanya bilang pagpapakita ng takot nila sa Dios at bilang pagtanaw ng utang na loob sa magulang nila. Sapagkat nakalulugod ito sa Dios.

5. Ang biyudang nag-iisa na lang sa buhay ay umaasa na lang sa Dios. Araw-gabi siyang nananalangin at humihingi ng tulong sa Dios.

6. Ngunit ang biyudang mahilig sa kalayawan ay patay na sa paningin ng Dios kahit na buhay pa siya.

7. Ituro mo sa mga kapatid ang mga tuntuning ito upang walang masabing masama laban sa kanila.

8. Ang sinumang hindi kumakalinga sa sariling kamag-anak, lalo na sa sariling pamilya ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa mga hindi mananampalataya.

9. Ang isama mo lang sa listahan ng mga biyuda na tutulungan ay ang mga hindi bababa sa 60 taong gulang at naging tapat sa asawa niya,

10. kilala sa paggawa ng mabuti gaya ng maayos na pagpapalaki ng mga anak, bukas ang tahanan sa mga nakikituloy, naglilingkod sa mga pinabanal ng Dios, tumutulong sa mga nangangailangan, at inilalaan ang sarili sa mabubuting gawa.

11. Ngunit huwag mong isama sa listahan ang mga biyuda na bata pa; dahil kung dumating ang panahon na nais nilang mag-asawa ulit, mapapabayaan nila ang paglilingkod kay Cristo.

1 Timoteo 5