8. Alam nating mabuti ang Kautusan kung ginagamit ito sa wastong paraan.
9. Dapat nating alalahanin na hindi ibinigay ang Kautusan para sa mga matuwid kundi para sa mga lumalabag sa batas, suwail, ayaw kumilala sa Dios, makasalanan, walang hilig sa kabanalan, lapastangan, pumapatay sa sariling magulang, at mga mamamatay-tao.
10. Ang Kautusan ay ibinigay din para sa mga gumagawa ng sekswal na imoralidad, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, kidnaper, sinungaling at tumetestigo nang hindi totoo, at sa sinumang sumasalungat sa tamang aral
11. na naaayon sa Magandang Balita ng dakila at mapagpalang Dios. Ipinagkatiwala sa akin Ang Magandang Balitang ito para ipahayag.
12. Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon na nagbigay sa akin ng lakas na maglingkod sa kanya, dahil itinuring niya akong mapagkakatiwalaan. Kaya nga pinili niya akong maglingkod sa kanya,
13. kahit na nilapastangan ko siya noong una. Bukod pa riyan, inusig at nilait ko ang mga sumasampalataya sa kanya. Ngunit kinaawaan ako ng Dios, dahil ginawa ko ito noong hindi pa ako sumasampalataya sa kanya at hindi ko alam ang ginagawa ko.
14. Sadyang napakalaki ng biyayang ipinagkaloob sa akin ng ating Panginoon, pati na ang pag-ibig at pananampalataya, na napasaatin dahil kay Cristo Jesus.
15. Ito ang katotohanang dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat: naparito si Cristo Jesus sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamakasalanan sa lahat.