1 Samuel 9:1-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. May isang taong mayaman at kilala mula sa lahi ni Benjamin. Ang pangalan niya ay Kish, at anak siya ni Abiel. Si Abiel ay anak ni Zeror, si Zeror ay anak ni Becorat, at si Becorat ay anak ni Afia na mula sa lahi ni Benjamin.

2. Si Kish ay may anak na ang pangalan ay Saul. Bata pa si Saul at siya ang pinakagwapo at pinakamatangkad na lalaki sa Israel.

3. Isang araw, nawala ang mga asno ni Kish, kaya sinabi niya sa anak niyang si Saul, “Magsama ka ng isang utusan at hanapin ninyo ang mga asno.”

4. Kaya lumakad si Saul at ang utusan. Nakarating sila sa mga burol ng Efraim hanggang sa lugar ng Shalisha, pero wala silang nakitang mga asno. Kaya tumuloy sila sa lugar ng Shaalim hanggang sa mga lugar ng Benjamin pero hindi rin nila nakita ang mga asno doon.

5. Nang makarating sila sa lugar ng Zuf, sinabi ni Saul sa kanyang utusan, “Umuwi na tayo. Baka lalong mag-alala sa atin ang aking ama kaysa sa mga asno.”

6. Pero sumagot ang utusan, “Sandali lang po, may isang lingkod ng Dios na malapit lang dito. Iginagalang siya ng mga tao at nagkakatotoo ang lahat ng kanyang sinasabi. Pumunta po tayo sa kanya at baka sakaling masabi niya sa atin kung saan makikita ang mga asno.”

7. Sinabi ni Saul sa utusan, “Kung pupunta tayo, ano ang ibibigay natin sa kanya? Wala na tayong natirang pagkain. Wala tayong maibibigay.”

8. Sumagot ang utusan, “Mayroon pa po akong isang pirasong pilak. Ibibigay ko po ito sa lingkod ng Dios para sabihin niya sa atin kung saan natin makikita ang mga asno.”

11. Habang tinatahak nila ang daang paakyat sa burol ng bayan, nakasalubong nila ang mga dalagang palabas para umigib. Nagtanong sila sa mga dalaga, “Nandito ba ngayon ang manghuhula?”

12. Sumagot sila, “Oo, nandiyan siya. Nauna lang nang kaunti sa inyo. Kararating lang niya sa bayan namin para pangunahan ang mga tao sa paghahandog doon sa sambahan sa mataas na lugar. Dalian ninyo!

13. Habulin ninyo siya bago siya umakyat sa sambahan sa mataas na lugar para roon kumain. Hindi kakain ang mga taong inimbita kung hindi pa siya dumarating, dahil kailangang basbasan muna niya ang mga handog. Kaya umakyat na kayo dahil maaabutan ninyo siya habang may araw pa.”

1 Samuel 9