1 Samuel 6:6-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Huwag na ninyong patigasin ang mga puso ninyo gaya ng ginawa ng mga Egipcio at ng kanilang Faraon. Pinayagan lang nilang makaalis ang mga Israelita nang matindi na ang pagpapahirap sa kanila ng Dios.

7. Kaya ngayon, gumawa kayo ng bagong kariton at kumuha ng dalawang inahing baka na hindi pa napapahila ng kariton. Ikabit ninyo ang kariton sa mga baka pero ihiwalay ninyo ang kanilang mga bisiro at ikulong sa kwadra.

8. Pagkatapos, kunin ninyo ang Kahon ng Panginoon at ilagay sa kariton. Ilagay din ninyo sa tabi nito ang isang Kahon na may lamang mga gintong handog na mga tumor at daga na ipapadala ninyo bilang handog na pambayad ng kasalanan. Palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay at pabayaan silang pumunta kahit saan.

9. Pero tingnan ninyo kung saan sila pupunta. Kung lalakad sila paakyat sa Bet Shemesh, na isa sa mga bayan ng mga Israelita, malalaman natin na ang Panginoon ang nagpadala ng matinding pinsalang ito sa atin. Pero kung hindi ito tutuloy sa Bet Shemesh, malalaman natin na hindi ang Panginoon ang nagpaparusa sa atin. Kundi nagkataon lang ito.”

10. Kaya sinunod nila ito. Kumuha sila ng dalawang inahing baka at ikinabit sa kariton. Ikinulong naman sa kwadra ang mga bisiro nito.

11. Isinakay nila ang Kahon ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may lamang mga ginto na hugis tumor at daga.

12. Pagkatapos, lumakad ang mga baka patungo sa Bet Shemesh na hindi man lang lumilihis ng daan habang patuloy na umuunga. Sumusunod sa kanila ang mga pinuno ng mga Filisteo hanggang sa hangganan ng Bet Shemesh.

13. Nang mga panahong iyon, nag-aani ang mga taga-Bet Shemesh ng trigo sa lambak. Nang makita nila ang Kahon ng Kasunduan, tuwang-tuwa sila.

16. Nakita ng limang pinuno ng mga Filisteo ang lahat ng ito at pagkatapos ay umuwi sila sa Ekron nang araw ding iyon.

17. Ang limang gintong hugis tumor na ipinadala ng mga Filisteo bilang handog na pambayad ng kasalanan ay galing sa mga pinuno ng Ashdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron.

18. Kasama ng limang gintong hugis daga, ayon na rin sa bilang ng limang bayan ng mga Filisteo. Itong mga napapaderang bayan at ang mga baryo na walang pader ay sakop ng limang pinunong iyon. Ang malaking bato sa bukid ni Josue ng Bet Shemesh na pinagpatungan nila ng Kahon ng Panginoon ay naroon pa hanggang ngayon bilang alaala sa nangyari roon.

19. Ngunit may pinatay ang Dios na 70 tao na taga-Bet Shemesh dahil tiningnan nila ang laman ng Kahon ng Panginoon. Nagluksa ang mga tao dahil sa matinding dagok na ito ng Panginoon sa kanila.

20. Nagtanong sila, “Sino ba ang makakaharap sa presensya ng Panginoon, ang banal na Dios? Saan ba natin ipapadala ang Kahon ng Panginoon para mailayo ito sa atin?”

1 Samuel 6