1 Samuel 4:11-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Naagaw ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan at napatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.

12. Nang araw ding iyon, may isang tao mula sa lahi ni Benjamin na tumatakbo galing sa digmaan papunta sa Shilo. Pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan ng abo ang kanyang ulo bilang tanda ng pagluluksa.

13-15. Pagdating niya sa Shilo, nakaupo si Eli sa upuan na nasa gilid ng daan at nagbabantay dahil nag-aalala siya para sa Kahon ng Dios. Si Eli ay 98 taon na noon at halos hindi na nakakakita. Ibinalita ng tao ang nangyaring digmaan sa bayan. Nang marinig ito ng mga tao, nag-iyakan sila. Narinig ito ni Eli at nagtanong siya, “Bakit umiiyak ang mga tao?” Dali-daling lumapit sa kanya ang tao,

16. at sinabi, “Kagagaling ko lang po sa digmaan. Nakatakas po ako.” Nagtanong si Eli, “Ano ang nangyari, anak?”

17. Sumagot ang tao, “Nagsitakas po ang mga Israelita sa harap ng mga Filisteo. Napakarami pong namatay sa mga sundalo natin, kasama po ang dalawang anak nʼyo na sina Hofni at Finehas. At naagaw din po ang Kahon ng Dios.”

18. Nang mabanggit ng tao ang tungkol sa Kahon ng Dios, natumba si Eli mula sa kinauupuan niya na nasa gilid ng pintuan ng lungsod. Nabali ang kanyang leeg at agad na namatay, dahil mataba siya at matanda na. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 40 taon.

19. Nang panahon ding iyon, kabuwanan ng manugang ni Eli na asawa ni Finehas. Nang mabalitaan niya na naagaw ang Kahon ng Dios at namatay ang kanyang asawa at biyenang lalaki, sumakit ang tiyan niya at napaanak ng wala sa panahon dahil sa matinding sakit.

20. Nang nag-aagaw buhay na siya, sinabi sa kanya ng mga manghihilot, “Lakasan mo ang loob mo. Lalaki ang anak mo.” Pero hindi na siya sumagot.

1 Samuel 4