1 Samuel 30:14-31 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Bigla po naming sinalakay ang mga Kereteo sa Negev, sa lupain ng Juda at ganoon din ang katimugang bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga angkan ni Caleb. Sinunog din po namin ang Ziklag.”

15. Nagtanong si David sa kanya, “Masasamahan mo ba kami sa mga taong mga taong bumihag sa pamilya namin?” Sumagot siya, “Opo. Kung maipapangako nʼyo sa pangalan ng Dios na hindi nʼyo ako papatayin o ibabalik sa aking amo, sasamahan ko po kayo sa kanila.”

16. Kaya sinamahan ng Egipcio sina David sa mga Amalekita. Doon, nadatnan nila ang mga Amalekitang nakakalat na kumakain, umiinom at nagkakasayahan, dahil marami silang nasamsam sa lupain ng mga Filisteo at Juda.

17. Sinalakay sila ni David at ng mga tauhan niya, mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinagabihan ng sumunod na araw. Walang nakatakas sa mga Amalekita, maliban sa 400 kabataang lalaki na sumakay sa kamelyo nila at tumakas.

18. Nabawi ni David ang lahat ng kinuha sa kanila ng mga Amalekita pati ang dalawa niyang asawa.

19. Walang nawala, bata man o matanda, lalaki man o babae, o kahit ano sa mga nakuha ng mga Amalekita. Nabawing lahat ni David ang mga ito.

20. Pagkatapos, nakuha rin niya ang lahat ng tupa at baka, at pinauna ng mga tauhan niya ang mga hayop na ito sa harapan ng iba pang mga hayop habang sinasabi, “Ito ang mga samsam para kay David.”

21. Nang makarating na sina David sa lambak ng Besor, sinalubong sila ng 200 niyang tauhan na hindi nakasama dahil sa sobrang pagod. Lumapit sina David sa kanila at binati niya ang mga ito.

22. Pero, may masasama at walang silbing mga tauhan na nagsabi, “Hindi sila dapat bigyan ng bahagi ng mga nasamsam natin sa Amalekita dahil hindi naman sila sumama sa atin. Kunin na lang nila ang mga asawaʼt anak nila at umalis na sila.”

23. Sumagot si David, “Mga kapatid, hindi tama iyan. Huwag ninyong ipagdamot ang ibinigay ng Panginoon sa atin. Iningatan niya tayo at tinulungang magtagumpay sa ating mga kaaway.

24. Sino sa tingin ninyo ang makikinig sa inyo? Dapat bigyan ang lahat. Pareho lang ang bahagi ng mga nagpaiwan para magbantay sa kagamitan at ng mga sumama sa labanan.”

25. Ang tuntuning ito ay ginawa ni David para sundin ng mga Israelita, at ipinapatupad pa rin ito hanggang ngayon.

26. Nang dumating sila sa Ziklag, pinadalhan niya ng ilang bahagi ng mga nasamsam nila ang mga kaibigan niyang tagapamahala ng Juda, kasama ang mensaheng, “Ito ang regalo ko sa inyo galing sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ng Panginoon.”

27. Ipinadala ang mga ito sa mga sumusunod na bayan: Betel, Ramot Negev, Jatir,

28. Aroer, Sifmot, Estemoa,

29. Racal, sa mga bayan ng mga Jerameelita at mga Keneo,

30. sa Horma, Bor Ashan, Atac,

31. Hebron at iba pang mga lupain na kanilang napuntahan.

1 Samuel 30