1. Nakarating si David at ang mga tauhan niya sa Ziklag nang ikatlong araw. Sinalakay ng mga Amalekita ang Negev at Ziklag. Nilusob nila ang Ziklag at sinunog ito.
2. Binihag nila ang mga babae at ang lahat ng tao dito, bata man o matanda. Walang pinatay kahit isa pero binihag nila ang mga ito sa kanilang pag-alis.
3. Nang makarating si David at ang mga tauhan niya sa Ziklag, nakita nila na nasunog na ang kanilang lugar at ang kanilang mga asawaʼt anak ay binihag.
4. Kaya si David at ang mga tauhan niya ay umiyak nang husto hanggang maubusan sila ng lakas dahil sa pag-iyak.
5. Kasama sa mga bihag ang dalawang asawa ni David na si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na biyuda ni Nabal.
6. Sobrang nag-alala si David dahil masama ang loob ng kanyang mga tauhan sa pagkabihag ng mga asawaʼt anak nila, at balak nilang batuhin siya. Pero pinalakas siya ng Panginoon na kanyang Dios.
7. Kaya sinabi ni David sa paring si Abiatar, na anak ni Ahimelec, “Dalhin mo sa akin ang espesyal na damit ng pari.” Dinala nga ito ni Abiatar sa kanya.
8. Nagtanong si David sa Panginoon, “Hahabulin ko po ba ang mga sumalakay sa amin? Matatalo ko po ba sila?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, habulin mo sila. Siguradong matatalo mo sila at maililigtas mo ang mga bihag.”
9. Kaya lumakad si David kasama ang 600 niyang tauhan at nakarating sila sa lambak ng Besor. Nagpaiwan doon
10. ang 200 niyang tauhan dahil pagod na pagod na sila para tumawid pa sa lambak. Pero nagpatuloy si David sa paghabol kasama ang 400 niyang tauhan.
11. Nakita ng ilang mga tauhan ni David ang isang Egipcio sa bukid. Dinala nila ito kay David, at binigyan nila ng tubig at tinapay.
12. Binigyan din nila ang Egipcio ng kapirasong tuyong igos at dalawang tumpok ng pasas, dahil tatlong araw na siyang hindi kumakain ni umiinom. Pagkatapos niyang kumain, nanumbalik ang kanyang lakas.