1 Samuel 28:2-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Sinabi ni David, “Magaling! Makikita ninyo ngayon kung ano ang magagawa ko, na inyong lingkod.” Sumagot si Akish, “Mabuti! Gagawin kitang personal na tagapagbantay ko habang buhay.”

3. Patay na noon si Samuel. Nang mamatay siya nalungkot at nagluksa ang buong Israel sa kanya, at inilibing siya sa kanyang bayan sa Rama. At pinaalis na ni Saul ang mga espiritista sa Israel.

4. Nagkampo ang mga Filisteo sa Shunem, at si Saul naman at ang buong hukbo ng Israel ay sa Gilboa.

5. Nang makita ni Saul ang mga sundalo ng mga Filisteo, pinagharian siya ng matinding takot.

6. Nagtanong siya sa Panginoon kung ano ang nararapat niyang gawin. Pero hindi siya sinagot ng Panginoon kahit sa pamamagitan ng panaginip, o sa mga propeta, o kahit sa anumang paraan.

7. Pagkatapos, sinabi ni Saul sa kanyang alipin, “Ihanap mo ako ng babaeng espiritista na maaari kong pagtanungan.” Sumagot ang kanyang alipin, “Mayroon po sa Endor.”

8. Kaya nagpanggap si Saul sa pamamagitan ng pagsusuot ng ordinaryong damit sa halip na ang magara niyang damit. Kinagabihan, pinuntahan niya ang babae kasama ang dalawa niyang tauhan. Pagdating nila, sinabi ni Saul sa babae, “Gusto kong makipag-usap sa kaluluwa ng isang tao.”

9. Sinabi ng babae sa kanya, “Ano, gusto mo bang mamatay ako? Alam mo naman siguro kung ano ang ginawa ni Saul. Pinaalis niya sa Israel ang lahat ng espiritista at ang mga manghuhula. Huwag mo nang ilagay sa panganib ang buhay ko.”

10. Sumumpa si Saul sa kanya sa pangalan ng buhay na Panginoon na hindi siya mapaparusahan sa gagawin niya.

11. Nang bandang huli, sinabi ng babae, “Sino ang kaluluwang gusto mong kausapin?” Sinabi ni Saul, “Tawagin mo si Samuel.”

1 Samuel 28