1 Samuel 26:14-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Sumigaw si David kay Abner na anak ni Ner at sa mga kasama niyang sundalo, “Abner, naririnig mo ba ako?” Sumagot si Abner, “Sino ka? Ano ang kailangan mo sa hari?”

15. Sumagot si David, “Hindi baʼt ikaw ang pinakamagiting na lalaki sa buong Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang hari na iyong amo? May nakapasok diyan para patayin siya.

16. Hindi tamang pabayaan mo ang hari! Isinusumpa ko sa buhay na Panginoon, dapat kang mamatay pati na ang mga tauhan mo dahil hindi ninyo binantayan ang inyong amo, ang haring pinili ng Panginoon. Tingnan nʼyo nga kung makikita pa ninyo ang sibat at lalagyan ng tubig na nasa ulunan niya?”

17. Nakilala ni Saul ang boses ni David, kaya sinabi niya, “David, anak, ikaw ba iyan?” Sumagot si David, “Ako nga po, Mahal na Hari.

18. Bakit ninyo hinahabol ang inyong lingkod? Ano ba ang ginawa kong masama?

19. Mahal na Hari, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang Panginoon ang nag-udyok sa inyo para patayin ako, tanggapin sana niya ang aking handog. Pero kung galing lang ito sa tao, sumpain sana sila ng Panginoon. Dahil itinaboy nila ako mula sa aking tahanan at inutusang sumamba sa ibang mga dios.

20. Huwag sanang ipahintulot na mamatay ako sa ibang lupain, na malayo sa Panginoon. Bakit ako pinag-aaksayahang habulin ng hari ng Israel, gayong tulad lang ako ng pulgas? Bakit ninyo ako hinahabol na gaya lang ng ibon sa kabundukan?”

21. Sinabi ni Saul, “Nagkasala ako. Bumalik ka na, David anak ko, at hindi ko na tatangkaing saktan ka dahil hindi mo ako pinatay ngayong araw na ito. Naging isa akong hangal dahil sa ginawa ko. Napakalaki ng aking kasalanan.”

22. Sumagot si David, “Narito na ang sibat ninyo, ipakuha ninyo sa inyong tauhan.

23. May gantimpala ang Panginoon sa mga taong matapat at gumagawa ng matuwid. Ibinigay kayo ng Panginoon sa aking mga kamay sa araw na ito, pero tumanggi akong patayin kayo dahil kayo ang piniling hari ng Panginoon.

24. Binigyan ko ng halaga ang buhay ninyo ngayon at sanaʼy bigyan din ng halaga ng Panginoon ang buhay ko at iligtas niya ako sa lahat ng kapahamakan.”

25. Sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka, anak ko. Marami pang dakilang bagay ang gagawin mo at siguradong magtatagumpay ka.” Pagkatapos, umalis si David at umuwi naman si Saul.

1 Samuel 26