7. Nabalitaan ko na nagpapagupit ka ng iyong mga tupa. Nang nakasama namin ang mga pastol mo sa Carmel, hindi namin sila sinaktan at walang anumang nawala sa kanila.
8. Tanungin mo sila at sasabihin nila ang totoo. Ngayon, nakikiusap ako na pakitaan mo ng kabutihan ang mga tauhan ko, dahil pista ngayon. Ituring mo akong anak at ang mga alipin ko bilang iyong alipin; pakibigay sa amin ang anumang gusto mong ibigay.”
9. Pagdating ng mga tauhan ni David kay Nabal, ipinaabot nila ang mensahe ni David, at naghintay.
10. Tinanggihan ni Nabal si David. “Sino ba ang David na ito na anak ni Jesse? Sa panahon ngayon, maraming alipin ang tumatakas sa kanilang mga amo.
11. Bakit ko naman ibibigay sa iyo ang tinapay, tubig at karneng para sa mga manggugupit ng mga tupa ko, gayong hindi ko nga alam kung saang lupalop kayo nanggaling?”
12. Bumalik ang mga tauhan ni David at isinalaysay ang lahat ng sinabi ni Nabal.
13. Nang marinig niya ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ninyo ang inyong mga espada!” Kaya isinukbit ng mga tauhan niya ang kanilang mga espada, at ganoon din ang ginawa ni David. Mga 400 tao ang sumama kay David at 200 ang naiwan para bantayan ang mga kagamitan.
14. Isa sa mga alipin ni Nabal ang nagsabi kay Abigail na kanyang asawa, “Nagsugo si David ng mga mensahero rito galing sa disyerto para kumustahin ang amo naming si Nabal, pero ininsulto pa niya sila.
15. Mabuti ang mga taong iyon sa amin, hindi nila kami ginawan ng anumang masama. Sa buong panahon na naroon kami sa bukid malapit sa kanila, walang anumang nawala sa amin.
16. Binantayan nila kami araw at gabi habang nagbabantay kami ng mga tupa.
17. Pag-isipan mong mabuti ang nararapat mong gawin dahil mapapahamak ang asawa mo at ang kanyang buong sambahayan. Napakasama niyang tao kaya walang nangangahas na makipag-usap sa kanya.”
18. Walang sinayang na oras si Abigail. Nagpakuha siya ng 200 tinapay, dalawang balat na sisidlan na puno ng katas ng ubas, limang kinatay na tupa, isang sako ng binusang trigo, 100 dakot ng pasas, at 200 dakot ng igos. Pagkatapos, ipinakarga niya ito sa mga asno,
19. at sinabi sa kanyang mga utusan, “Mauna na kayo, susunod na lang ako.” Pero hindi niya ito ipinaalam sa asawa niyang si Nabal.