1 Samuel 25:31-38 Ang Salita ng Dios (ASND)

31. hindi kayo uusigin ng inyong konsensya dahil hindi kayo naghiganti at pumatay ng walang sapat na dahilan. At kapag pinagtagumpay na kayo ng Panginoon, nakikiusap ako na huwag nʼyo po akong kalimutan na inyong lingkod.”

32. Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagpadala sa iyo ngayong araw na ito para makipagkita sa akin.

33. Salamat sa Dios sa mabuti mong pagpapasya. Dahil dito, iniwas mo ako sa paghihiganti at pagpatay.

34. Kung hindi ka nagmadaling makipagkita sa akin, wala sanang matitirang buhay na lalaki sa sambahayan ni Nabal bukas ng umaga. Isinumpa ko iyan sa buhay na Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang pumigil sa akin sa paggawa sa iyo ng masama.”

35. Tinanggap ni David ang mga regalo ni Abigail at sinabi, “Umuwi ka na at huwag ka nang mag-alala. Gagawin ko ang mga sinabi mo.”

36. Nang dumating si Abigail sa bahay nila, nagdiriwang sila Nabal na parang pista sa kaharian. Sobrang saya ni Nabal at lasing na lasing, kaya hindi na niya sinabi rito hanggang umaga ang pakikipagkita niya kay David.

37. Kinaumagahan, nang wala na ang pagkalasing nito, sinabi sa kanya ni Abigail ang nangyari. Inatake siya sa puso at hindi na nakagalaw.

38. Pagkaraan ng sampung araw, pinalala ng Panginoon ang kalagayan niya at siyaʼy namatay.

1 Samuel 25