1 Samuel 25:16-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Binantayan nila kami araw at gabi habang nagbabantay kami ng mga tupa.

17. Pag-isipan mong mabuti ang nararapat mong gawin dahil mapapahamak ang asawa mo at ang kanyang buong sambahayan. Napakasama niyang tao kaya walang nangangahas na makipag-usap sa kanya.”

18. Walang sinayang na oras si Abigail. Nagpakuha siya ng 200 tinapay, dalawang balat na sisidlan na puno ng katas ng ubas, limang kinatay na tupa, isang sako ng binusang trigo, 100 dakot ng pasas, at 200 dakot ng igos. Pagkatapos, ipinakarga niya ito sa mga asno,

19. at sinabi sa kanyang mga utusan, “Mauna na kayo, susunod na lang ako.” Pero hindi niya ito ipinaalam sa asawa niyang si Nabal.

20. Habang nakasakay si Abigail sa kanyang asno at paliko na sa gilid ng bundok, nakita niyang padating naman si David at ang mga tauhan nito.

21. Samantala, sinasabi ni David, “Walang saysay ang pagbabantay natin sa mga ari-arian ni Nabal sa disyerto para walang mawala sa mga ito. Masama pa ang iginanti niya sa mga kabutihang ginawa natin.

22. Parusahan sana ako ng Dios nang napakatindi kapag may itinira pa akong buhay na lalaki sa sambahayan niya pagdating ng umaga.”

23. Nang makita ni Abigail si David, dali-dali siyang bumaba sa kanyang asno at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang.

24. Sinabi niya, “Pakiusap po, pakinggan nʼyo ako. Inaako ko na po ang pagkakamali ng aking asawa.

25. Huwag nʼyo na pong pag-aksayahan ng panahon si Nabal. Napakasama niyang tao. Nababagay lang sa kanya ang pangalan niyang Nabal, na ang ibig sabihin ay ‘hangal.’ Ipagpaumanhin nʼyo po pero hindi ko nakita ang mga mensaherong pinapunta nʼyo kay Nabal.

1 Samuel 25