1 Samuel 24:6-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na gawan ko ng masama ang aking hari, ang hinirang ng Panginoon na maging hari.”

7. Sa sinabing ito ni David, sinaway niya ang kanyang mga tauhan, at hindi niya sila pinayagang salakayin si Saul. Umalis si Saul at nagpatuloy sa paglalakbay.

8. Maya-maya, lumabas ng kweba si David at tinawag si Saul, “Mahal na Hari!” Nang lumingon si Saul, nagpatirapa si David sa kanyang harapan bilang paggalang.

9. At sinabi niya kay Saul, “Bakit kayo naniniwala sa mga taong nagsasabi na nagbabalak akong patayin kayo?

10. Sa araw na ito, nakita nʼyo kung paano kayo ibinigay ng Panginoon sa aking mga kamay doon sa loob ng kweba. Sinabi sa akin ng iba kong mga tauhan na patayin kayo pero hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko sasaktan ang aking hari dahil pinili siya ng Panginoon na maging hari.

11. Ama ko, tingnan ninyo ang kapirasong tela na hawak ko, galing ito sa laylayan ng damit ninyo. Pinutol ko ito pero hindi ko kayo pinatay. Nagpapatunay ito na wala akong masamang plano o pagrerebelde laban sa inyo. Wala akong kasalanan sa inyo, pero tinutugis nʼyo ako para patayin.

12. Ang Panginoon sana ang humatol sa ating dalawa, at parusahan kayo ng Panginoon sa mga ginagawa nʼyo sa akin. Pero wala akong gagawing masama sa inyo,

13. sabi nga ng kasabihan, ‘Ang masamang tao lang ang gumagawa ng masama.’ Kaya hindi ko kayo gagawan ng masama.

14. Sino po ba ako at hinahabol ako ng hari ng Israel? Katulad lang ako ng isang patay na aso o isang pulgas.

1 Samuel 24