8. Tinipon ni Saul ang lahat ng tauhan niya para pumunta sa Keila at lusubin si David at ang mga tauhan niya.
9. Nang malaman ni David ang plano ni Saul, sinabihan niya ang paring si Abiatar na kunin ang espesyal na damit ng mga pari.
10. Nanalangin si David, “O Panginoon, Dios ng Israel nabalitaan po ng inyong lingkod na nagpaplano si Saul na pumunta rito sa Keila para wasakin ang bayang ito dahil sa akin.
11. Pupunta po ba talaga rito si Saul gaya ng narinig ko? Ibibigay po ba ako ng mga mamamayan ng Keila kay Saul? O Panginoong Dios ng Israel, sagutin po ninyo ang inyong lingkod.” Sumagot ang Panginoon, “Oo, pupunta siya rito.”
12. Muling nagtanong si David, “Ako at ang aking mga tauhan ba ay ipapaubaya ng mga mamamayan ng Keila sa kamay ni Saul?” Sumagot ang Panginoon. “Oo, ipapaubaya nila kayo.”
13. Kaya umalis si David sa Keila kasama ang kanyang 600 na tauhan at nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nang mabalitaan ni Saul na tumakas na si David mula sa Keila, hindi na siya pumunta roon.
14. Nagtago si David sa mga kuta sa ilang at sa kaburulan ng disyerto ng Zif. Araw-araw ay hinahanap siya ni Saul, pero hindi siya ibinigay ng Dios kay Saul.
15. Isang araw, habang naroon pa si David sa Hores sa disyerto ng Zif, nabalitaan niya na pumunta roon si Saul para patayin siya.
16. Pinuntahan siya ni Jonatan para palakasin ang pananampalataya niya sa Dios.
17. Sinabi ni Jonatan, “Huwag kang matakot. Hindi ka magagalaw ng aking ama. Nalalaman ng aking ama na magiging hari ka ng Israel at magiging pangalawa lang ako sa iyo.”
18. Gumawa silang dalawa ng kasunduan sa presensya ng Panginoon. At pagkatapos, umuwi na si Jonatan pero nagpaiwan si David sa Hores.
19. Ngayon, may mga taga-Zif na pumunta kay Saul sa Gibea at nagsabi, “Nagtatago po si David sa amin doon sa Hores sa kaburulan ng Hakila, sa gawing timog ng Jeshimon.
20. Kaya Mahal na Hari, pumunta po kayo roon anumang oras na gustuhin ninyo at kami na ang bahala. Ibibigay namin sa inyo si David.”
21. Sumagot si Saul, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa pag-aalala ninyo sa akin.
22. Lumakad na kayo at tiyakin ninyo kung saan siya pumupunta at kung sino ang nakakita sa kanya roon, dahil alam kong napakatuso niya.
23. Alamin ninyo kung saan siya pwedeng magtago at bumalik kayo rito kapag sigurado na kayo. Pagkatapos, sasama ako sa inyo at kung naroon pa siya, hahanapin ko siya kahit saan sa lupain ng Juda.”