5. Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo. Maraming Filisteo ang napatay nila; kinuha nila ang mga hayop nito at nailigtas nila ang mga taga-Keila.
6. (Nang tumakas si Abiatar at pumunta kay David sa Keila, dinala niya ang espesyal na damit ng mga pari.)
7. May nagsabi kay Saul na si David ay pumunta sa Keila. Kaya sinabi ni Saul, “Ibinigay na siya ng Dios sa akin, para na niyang ibinilanggo ang kanyang sarili sa pagpasok sa bayan na napapalibutan ng pader.”
8. Tinipon ni Saul ang lahat ng tauhan niya para pumunta sa Keila at lusubin si David at ang mga tauhan niya.
9. Nang malaman ni David ang plano ni Saul, sinabihan niya ang paring si Abiatar na kunin ang espesyal na damit ng mga pari.
10. Nanalangin si David, “O Panginoon, Dios ng Israel nabalitaan po ng inyong lingkod na nagpaplano si Saul na pumunta rito sa Keila para wasakin ang bayang ito dahil sa akin.
11. Pupunta po ba talaga rito si Saul gaya ng narinig ko? Ibibigay po ba ako ng mga mamamayan ng Keila kay Saul? O Panginoong Dios ng Israel, sagutin po ninyo ang inyong lingkod.” Sumagot ang Panginoon, “Oo, pupunta siya rito.”