1 Samuel 21:1-7 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Pumunta si David sa Nob at tumuloy kay Ahimelec na siyang pari sa Nob. Nanginig sa takot si Ahimelec nang makita si David. Nagtanong siya, “Bakit nag-iisa ka lang?”

2. Sumagot si David, “May iniutos sa akin ang hari, at pinagbilinan niya ako na huwag ipagsasabi kahit kanino ang pakay ko rito. Ang mga tauhan ko namaʼy sinabihan ko na magkita-kita na lang kami sa isang lugar.

3. May pagkain ka ba rito? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong mayroon ka.”

4. Sumagot ang pari, “Wala na akong ordinaryong tinapay. Pero mayroon ako ritong tinapay na inihandog. Maaari ko itong ibigay sa iyo at sa mga tauhan mo kung hindi sila sumiping sa kahit sinong babae nitong mga huling araw.”

5. Sumagot si David, “Hindi kami sumisiping sa mga babae kapag may misyon kami. Kahit na ordinaryong misyon lang ang gagawin namin, kailangang malinis kami. Ano pa kaya ngayon na mahalaga ang misyong ito.”

6. At dahil nga walang ordinaryong tinapay, ibinigay sa kanya ng pari ang tinapay na inihandog sa presensya ng Dios. Itoʼy kinuha mula sa banal na mesa at pinalitan ng bagong tinapay nang araw ding iyon.

7. Nang araw na iyon, naroon ang alipin ni Saul na si Doeg na taga-Edom. Siya ang punong tagapangalaga ng mga hayop ni Saul. Naroon siya dahil may tinutupad siyang panata sa Panginoon.

1 Samuel 21