1 Samuel 20:7-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Kapag hindi siya nagalit, ibig sabihin akoʼy wala sa panganib. Pero kapag nagalit siya, alam mo nang binabalak niya akong patayin.

8. Kaya kung maaari, tulungan mo ako, gawin mo sa akin ang kabutihang ito, ayon sa napagkasunduan natin sa harap ng presensya ng Panginoon. Pero kung nagkasala man ako, ikaw na ang pumatay sa akin. Bakit mo pa ako ibibigay sa iyong ama?”

9. Sumagot si Jonatan, “Hindi iyan mangyayari! Kung nalalaman ko na may balak ang aking ama na patayin ka, ipapaalam ko agad sa iyo.”

10. Nagtanong si David, “Paano ko malalaman kung galit o hindi ang iyong ama?”

11. Sinabi ni Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.” Kaya nagpunta sila roon.

12. Sinabi ni Jonatan kay David, “Nangangako ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel, na bukas sa ganito ring oras, o sa susunod na araw, makikipag-usap ako sa aking ama, at kung mabuti ang pakitungo niya tungkol sa iyo, ipapaalam ko sa iyo.

13. Pero kung may balak ang aking ama na patayin ka, at hindi ko ito ipinaalam sa iyo para makatakas ka, sanaʼy parusahan ako nang matindi ng Panginoon. Ngayon, samahan ka sana ng Panginoon gaya ng ginawa niya noon sa aking ama.

14. At ipakita mo sana ang pagmamahal mo sa akin habang akoʼy nabubuhay pa gaya ng pagmamahal ng Panginoon sa atin. At kung patay na ako,

15. ipagpatuloy mo pa rin ang pagmamahal sa pamilya ko, kahit pa patayin ng Panginoon ang lahat ng kaaway mo.”

16. Kaya gumawa si Jonatan ng kasunduan sa pamilya ni David, at sinabi niya, “Ibigay ka sana ng Panginoon sa iyong mga kaaway, kapag hindi ka tumupad sa kasunduan natin.”

17. At pinasumpa ulit ni Jonatan si David ng pagmamahal sa kanya dahil mahal na mahal niya si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili.

18. Pagkatapos, sinabi niya kay David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan at malalaman nila na wala ka roon dahil bakante ang upuan mo.

19. Sa makalawa, bago gumabi, pumunta ka sa dati mong pinagtaguan sa bukid. Maghintay ka roon sa may bato ng Ezel.

20. Darating ako at papana ng tatlong beses sa gilid ng bato na parang may pinapana ako.

21. Pagkatapos, uutusan ko ang isang bata na hanapin ang palaso. Kung sasabihin ko sa kanya na nasa gilid niya ang mga palaso, lumabas ka. Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng Panginoon na buhay, na wala kang dapat katakutang panganib.

22. Pero kung sasabihin ko sa bata na nasa banda pa roon ang mga palaso, nangangahulugan ito na kailangan mong tumakas dahil pinapatakas ka ng Panginoon.

23. Tungkol sa sumpaan natin, alalahanin mo na ang Panginoon ang ating saksi magpakailanman.”

1 Samuel 20