7. Ang Panginoon ang nagpapadukha at nagpapayaman.Itinataas niya ang iba at ang iba naman ay kanyang ibinababa.
8. Ibinabangon niya ang mga mahihirap sa kanilang kahirapan.Pinapaupo niya sila kasama ng mga maharlika at pinararangalan.Sa kanya ang pundasyon na kinatatayuan ng mundo.
9. Iniingatan niya ang tapat niyang mamamayan.Ngunit lilipulin niya ang masasama.Walang sinumang magtatagumpay sa pamamagitan ng sarili niyang kalakasan.
10. Dudurugin niya ang kanyang mga kaaway.Padadagundungin niya ang langit laban sa kanila.Ang Panginoon ang hahatol sa buong mundo.Dahil sa kanya, magiging makapangyarihan at laging magtatagumpay ang haring kanyang hinirang.”
11. Pagkatapos, umuwi si Elkana at ang sambahayan niya sa Rama. Pero iniwan nila si Samuel para maglingkod sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ni Eli na pari.
12. Masasamang tao ang dalawang anak ni Eli. Hindi sila sumusunod sa Dios
13. dahil hindi nila sinusunod ang mga tuntunin tungkol sa bahaging matatanggap ng mga pari galing sa handog ng mga tao. Ito ang kanilang ginagawa kapag may naghahandog: Habang pinapakuluan ang mga karneng ihahandog, pinapapunta nila roon ang alipin nila na may dalang malaking tinidor na may tatlong tulis.
14. Pagkatapos, tinutusok ng alipin ang mga karne sa loob ng kaldero o palayok. Ang matusok ng tinidor ay ang bahaging mapupunta sa mga pari. Ganito ang kanilang ginagawa tuwing maghahandog ang mga Israelita sa Shilo.
15. At bago pa masunog ang taba ng karne, pumupunta na ang alipin at sinasabi sa naghahandog, “Bigyan mo ang pari ng karneng maiihaw. Hindi siya tumatanggap ng pinakuluan. Hilaw ang gusto niya.”
16. Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maihandog ang taba ng karne bago siya kumuha ng gusto niya, sasagot ang alipin, “Hindi maaari! Kailangang ngayon mo ibigay dahil kung hindi, aagawin ko iyan sa iyo.”
17. Malaking kasalanan sa paningin ng Panginoon ang ginagawa ng mga anak ni Eli dahil hindi nila iginagalang ang handog para sa Panginoon.
18. Samantala, patuloy na naglilingkod sa Panginoon ang batang si Samuel. Suot-suot niya ang espesyal na damit na gawa sa telang linen.
19. Taun-taon, iginagawa ni Hanna ng balabal si Samuel, at dinadala niya ito kay Samuel sa tuwing maghahandog sila ng asawa niya ng taunang handog.
20. Doon, binabasbasan ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa. Sinasabi niya kay Elkana, “Sanaʼy bigyan ka ng Panginoon ng mga anak sa babaeng ito kapalit ng kanyang hiningi at inihandog sa Panginoon.” Pagkatapos, umuwi na sila.
21. Kinahabagan ng Panginoon si Hanna. Nagkaanak pa siya ng tatlong lalaki at dalawang babae, habang si Samuel ay patuloy na lumalaking naglilingkod sa Panginoon.
22. Matandang-matanda na si Eli. Nabalitaan niya ang lahat ng kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Nalaman na rin niya ang pagsiping ng mga ito sa mga babaeng naglilingkod sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
23. Kaya sinabihan niya ang mga ito, “Nabalitaan ko sa mga tao ang lahat ng kasamaang ginagawa ninyo. Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito?