1 Samuel 2:17-36 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Malaking kasalanan sa paningin ng Panginoon ang ginagawa ng mga anak ni Eli dahil hindi nila iginagalang ang handog para sa Panginoon.

18. Samantala, patuloy na naglilingkod sa Panginoon ang batang si Samuel. Suot-suot niya ang espesyal na damit na gawa sa telang linen.

19. Taun-taon, iginagawa ni Hanna ng balabal si Samuel, at dinadala niya ito kay Samuel sa tuwing maghahandog sila ng asawa niya ng taunang handog.

20. Doon, binabasbasan ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa. Sinasabi niya kay Elkana, “Sanaʼy bigyan ka ng Panginoon ng mga anak sa babaeng ito kapalit ng kanyang hiningi at inihandog sa Panginoon.” Pagkatapos, umuwi na sila.

21. Kinahabagan ng Panginoon si Hanna. Nagkaanak pa siya ng tatlong lalaki at dalawang babae, habang si Samuel ay patuloy na lumalaking naglilingkod sa Panginoon.

22. Matandang-matanda na si Eli. Nabalitaan niya ang lahat ng kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Nalaman na rin niya ang pagsiping ng mga ito sa mga babaeng naglilingkod sa may pintuan ng Toldang Tipanan.

23. Kaya sinabihan niya ang mga ito, “Nabalitaan ko sa mga tao ang lahat ng kasamaang ginagawa ninyo. Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito?

24. Mga anak, tigilan na ninyo ito, dahil hindi maganda ang nababalitaan ko tungkol sa inyo mula sa mga mamamayan ng Panginoon.”

25. Sinabi pa ni Eli, “Kung magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa, maaaring mamamagitan ang Dios sa kanila; pero sino ang mamamagitan kung magkasala ang tao sa Panginoon?” Pero hindi nakinig ang mga anak niya dahil nakapagpasya na ang Panginoon na patayin sila.

26. Samantala, patuloy na lumalaki si Samuel, at kinalulugdan siya ng Panginoon at ng mga tao.

27. Lumapit ang isang lingkod ng Dios kay Eli at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ipinahayag ko ang aking sarili sa ninuno nʼyong si Aaron at sa pamilya niya noong alipin pa sila ng Faraon sa Egipto.

28. Sa lahat ng lahi ng Israel, ang pamilya niya ang pinili ko na maging aking pari na maglilingkod sa aking altar, sa pagsusunog ng insenso, sa pagsusuot ng espesyal na damit ng pari sa aking presensya. Binigyan ko rin sila ng bahagi sa mga handog sa pamamagitan ng apoy na iniaalay ng mga Israelita.

29. Bakit pinag-iinteresan pa ninyo ang mga handog na para sa akin? Bakit mas iginagalang mo pa, Eli, ang mga anak mo kaysa sa akin? Hinahayaan mong patabain nila ang kanilang mga sarili ng mga pinakamagandang bahagi ng handog ng mga mamamayan kong Israelita.

30. Ako na inyong Panginoon, ang Dios ng Israel ay nangako noon na kayo lang at ang lahi ng inyong mga ninuno ang makapaglilingkod sa akin magpakailanman bilang pari. Ngunit hindi na ngayon, dahil pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit hahamakin ko ang humahamak sa akin.

31-32. Tandaan ninyo ito: Darating ang panahon na lilipulin ko ang lahat ng kabataan sa inyo at sa iba pang lahi ng inyong mga ninuno. Magdurusa kayo at hindi ninyo mararanasan ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Magiging maikli ang inyong buhay.

33. Hindi ko aalisin ang iba sa inyo sa paglilingkod sa akin bilang pari, pero dadanas sila ng matinding pagdurusa, at hindi sila mabubuhay nang matagal.

34. At bilang tanda sa iyo na mangyayari ang mga bagay na ito, mamamatay nang sabay ang dalawa mong anak na sina Hofni at Finehas sa isang araw lang.

35. Pipili ako ng pari na matapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng mga angkan na maglilingkod sa aking piniling hari magpakailanman.

36. Lahat ng matitira sa mga angkan mo ay mamamalimos ng pera o pagkain sa mga angkan ng paring ito. Magmamakaawa sila na gawing alipin man lang ng mga pari para makakain lang sila.”

1 Samuel 2